Calendar
Chairman Abante: EJK quota system pinondohan ng POGO, sugal ayon sa ebidensya
SA dami umano ng pera mula sa operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO), sugal at bentahan ng iligal na droga, hindi umano imposible na napondohan ang quota system ng Philippine National Police (PNP), kung saan tumatanggap ng reward ang mga pulis na nakakapatay ng mga drug suspek, kaya libu-libo ang biktima ng extrajudicial killings (EJK).
Ayon kay House committee on human rights chairman at Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., ito ay batay sa mga lumabas na ebidensya at testimoniya sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng quad committee ng Kamara de Representantes.
“In just three hearings, the quad comm inquiry has exposed an intricate and expansive network of smuggling and trafficking in dangerous drugs, illegal Philippine offshore gaming operators or POGOs and illegal gambling activities like jueteng that flourished during the Duterte presidency,” ani Abante na isa sa mga co-chair ng quad committee.
“These POGO and gambling activities are evils by themselves, but what is disturbing is that the funds from these illegal enterprises were channeled to fund incentives intended to reward law enforcement for eliminating their targets –– even if this resulted in the wanton and widespread violation of human rights,” dagdag pa niya.
Sa pinakahuling pagdinig ng quad comm, isiniwalat ni Police Lt. Col. Jovie Espenido na nagsilbing testigo na ang administrasyong Duterte at PNP, sa ilalim ng pamumuno ng noo’y PNP chief at ngayon ay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ay nagtakda umano ng arawang quota sa mga pulis para i-eliminate o i-neutralize ang nasa 50 hanggang 200 target sa laban kontra iligal na droga.
Nang tanungin si Espenido kung ano ang ibig sabihin ng”neutralize” ay sinabi niya na para sa mga pulis ang ibig sabihin nito ay patayin ang suspek.
Batay sa salaysay ni Espenido, P20,000 ang pabuya sa kada mapapatay na drug suspek.
Ang insentibong ito ay pinondohan umano mula sa iligal na droga, POGO, jueteng at iba pang sugal, kasama ang small-town lottery project ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sabi pa ni Espenido, ang naturang mga pondo ay idinadaan sa dating chief aide ng dating presidente at ngayon ay Senador Bong Go.
Bagamat may mga drug lord aniya na napatahimik, karamihan sa mga biktima ay maliliit na drug pusher at user na para kay Espenido ay nabigyan sana ng ikalawang pagkakataon.
Ang dalawang iba pang testigo, na pawang confessed killers na sina Leopoldo Tan Jr. at Andy Magdadaro, ay inamin na pinatay ang tatlong Chinese drug lord sa loob ng Davao prison noong 2016.
Anila ay utos ito ng dating Pangulong Duterte na ibinaba sa kanila ng senior police officers na malapit sa dating pangulo.
Ang prison warden anila na si Supt. Gerado Padilla ay ipinagyabang pa na tumawag si Duterte para siya ay batiin sa maayos na trabaho matapos nilang pagsasaksakin ang dalawang Chinese nationals.
Muling iginiit ni Abante ang panawagan kina Dela Rosa, Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo sa pagdinig ng quad committee para mailahad ang kanilang panig tungkol sa mga isyung lumabas sa kanilang pagsisiyasat.
Punto pa ng mambabatas, “The Quad Comm has given every opportunity for them to address the testimony given by our resource persons, and I believe they owe it to the Filipino people to explain the conduct of the war on drugs from their perspective.”