Madrona

Chairman ng House Committee on Tourism, pinawalang sala sa kasong graft ng Sandiganbayan

Mar Rodriguez Mar 2, 2024
139 Views

PINAWALANG-SALA ng Sandiganbayan ang Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona sa kasong graft patungkol sa ma-anomalyang “procurement” o pagkuha umano ng kongresista ng liquid organic fertilizer noong 2004.

Sa inilabas na 47 pahinang desisyon ng Sandiganbayan 6th Division, inabsuwelto nito si Madrona kaugnay sa pagkuha nito ng liquid organic fertilizer na nagkakahalaga ng P47 million na mas kilala bilang “fertilizer scam” dahil sa kabiguan ng prosecution na ma-establisa ang naging paglabag ng mambabatas sa itinatakda ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA No. 3019).

Nanindigan ang Sandiganbayan na nabigong patunayan o kaya ay makapaglabas ng isang matibay at hindi mapapasubaliang ebidensiya ang panig ng prosecution laban sa akusado (Madrona).

Kung kaya’t pinawalang sala nito ang kongresista laban sa kasong isinampa laban sa kaniya.

“The prosecution having failed to discharge its burden of proving beyond reasonable doubt the guilt of the accused, the latter are entitled to judgement of acquittal,” nakasaad sa 47 pahinang desisyon ng Sandiganbayan 6th Division.

Nabatid na nag-ugat ang nasabing kaso laban kay Madrona matapos nitong kumuha o magkaroon ng procurement ng tinatayang na 33,333 botelya ng Bio Nature fertilizer mula sa kompanyang Feshan Philippines Inc. noong 2004. Noong panahong si Madrona pa ang Gobernador ng Romblon.

Ikinatuwiran naman ng Ombudsman, ang nagsampa ng kaso, na ginamit ng dating Gobernador ang kaniyang posisyon sa pamamagitan ng pagbibigay umano nito ng pabor sa Feshan Philippines Inc. makaraang ma-award ang kontra sa naturang kompanya na nagkakahalaga ng P4,863,823.19.

Ipinaliwanag pa ng Ombudsman na nilabag umano ni Madrona ang itinatakda ng Republic Act No. 9184 o ang Government Procurement Reform Act matapos na hindi dumaan sa bidding procurement ng liquid organic fertilizer na nagkakahalaga naman ng P1,500 ang bawat botelya.

Dahil dito, labis na ikinagalak ni Madrona ang pagkaka-absuwelto sa kaniya ng Humukan na nagsabing noon pa man ay pinanatili na nito ang kaniyang ka-inosentehan sa kaso. Sapagkat sa loob ng mahabang panahon ng kaniyang paglilingkod ay naging tapat siya sa kaniyang tungkulin.

“I always maintain na wala tayong kinalaman sa kasong iyan. Nagpapasalamat tayo at sa wakas ay lumabas na rin ang katotohanan, sa haba ng ating paglilingkod, ni-minsan ay hindi tayo gumawa ng mga bagay na ikasisira ng ating pangalan. Iyan ang nagre-reflect sa desisyon ng Sandiganbayan,” ayon kay Madrona.