Chua1 Manila Rep. Joel Chua

‘Chichirya Scandal’ lalong pinatibay impeachment case laban kay VP Duterte

12 Views

KUMPIYANSA ang isang miyembro ng prosecution panel ng Kamara de Representantes na lalo pang tumibay ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, matapos matuklasan ang mga pangalang “Pia Piatos-Lim,” “Renan Piatos” at “Xiaome Ocho” na inilistang tumanggap ng confidential fund.

Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, na chairman din ng House committee on good government and public accountability, lalo lamang pinatibay ng mga kahina-hinalang transaksyon ang alegasyon na mali ang ginawang paggamit ng pondo ni Duterte.

“Well, ito nga’y pagpapatunay na mas lalong lumalakas po ‘yung ebidensya natin. Ito’y magiging parte at parte po ito ng ating articles of impeachment at again, mananatili pa rin po ‘yung katanungan kung ito pong mga ito ay fictitious names. Saan po napunta ‘yung pera?” ani Chua sa press briefing sa Kamara.

Nakahanda ang House panel na ipresenta ang mga acknowledgement receipts at iba pang dokumento bilang ebidensya sa oras na magsimula ang impeachment proceedings sa Senado.

Una ng hiniling ng House prosecution panel na mabigyan ito ng kuwarto sa Senado na magsisilbing tanggapan ng kanilang grupo habang isinasagawa ang impeachment trial.

Ayon kay Chua, ang pagkakaroon ng nakalaang silid ay makakatulong upang mapabilis at mapahusay ang kanilang paghahanda para sa paglilitis.

“Well sa ngayon, nandodoon pa lang po kami sa pagre-request ng kuwarto para at least maging work area po nung magiging team natin para tuloy-tuloy po ang ating preparasyon at para siyempre ma-familiarize na rin doon sa area,” Chua said.

Dagdag pa niya, ang opisina ay magiging mahalaga para sa legal team at support staff na tututok sa research, dokumentasyon at koordinasyon sa buong impeachment process.

“Sa ngayon, inaantay pa po namin ‘yung response from the Senate para at least malaman po namin kung ito ay kanilang mabibigyan po agad ng aksyon,” dagdag ni Chua.

Nang tanungin kung personal niyang iinspeksyunin ang opisina sa Senado, sinabi ni Chua na depende ito sa kanyang availability.

“Siguro kung may available po sa amin, puwede naman pong sumama,” sagot niya.

Samantala, binigyang-diin din ni Chua ang mahalagang papel ng House secretariat sa pag-oorganisa at beripikasyon ng mga dokumentong isasama sa impeachment complaint, kabilang ang mga resibo at iba pang financial records.

“‘Yung trabaho po ng staff namin, nung secretariat ay para mapabilis po ‘yung aming mga trabaho,” aniya.

Ipinaliwanag din niya na ang secretariat ang pangunahing responsable sa pagsala at pagsasaayos ng mahahalagang dokumentong susuporta sa kaso laban kay Duterte.

“Yes, kasama po iyon, kasama rin po sa mga research na mga batas na kailangan po namin at magiging backstop po namin sila. Sila po ‘yung magsisilbing backstop po namin para mas mapabilis po ‘yung trabaho namin,” pagtatapos ni Chua.