Chiz

Chiz ipinagmalaki malaking bilang ng bills na naipasa ng Senado

75 Views

INIULAT ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang “malaking bilang ng mga panukalang batas” na naipasa ng Senado sa ilalim ng kanyang pamunuan at nangakong aalisin ang anumang backlog ng mga panukala sa ilalim ng kanyang pamumuno, kasabay ng pagdiriwang ng kanyang unang 100 araw sa pwesto noong Huwebes, Setyembre 26, 2024.

“It’s a scoreboard we can be truly proud of,” sabi ni Escudero, na binanggit ang 137 na batas na naaprubahan ng Senado, 62 sa mga ito ay pambansa at 75 ay ukol sa mga lokal na isyu, sa loob ng 26 session days mula nang magtipon noong Hulyo 22.

Pinuri ni Escudero ang kanyang mga kapwa senador at mga empleyado sa Senado dahil sa kanilang sipag at inisyatiba, at dahil sa pagtutok sa mga batas na layong pasimplihin ang mga proseso sa gobyerno, pagandahin ang buhay ng mga Pilipino, palakasin ang ekonomiya, at patatagin ang soberanya ng bansa.

“Hindi lang imbestigasyon kundi sa pagpapanday ng batas. These probes make for good TV, but much of my colleagues’ work are actually done outside the glare of cameras,” paliwanag ng Pangulo ng Senado.

Sa mga panukalang batas na naaprubahan sa ilalim ng kanyang pamumuno, 13 na ang napirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at marami pa ang kasalukuyang ipinapadala sa opisina ng Pangulo para sa pirma.

Ayon kay Escudero, ang mga natitirang priority bills ay nasa “advanced stages of discussion” at maaaprubahan sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa unang bahagi ng Nobyembre.

Nakatakda ang recess ng parehong kapulungan ng Kongreso simula sa susunod na linggo upang bigyang-daan ang mga miyembro nito na magsumite ng kanilang kandidatura para sa halalan sa Mayo 2025.

Gagamitin din ng Kamara de Representantes ang recess bilang pagkakataon upang maimprenta ang bersyon nila ng pambansang badyet para sa susunod na taon.

Ayon kay Escudero, ang plano ng paggastos ng gobyerno para sa 2025 ay magiging pangunahing prayoridad kapag nagbalik-sesyon ang Senado at Kamara sa Nobyembre 4.

“Our target is to pass the budget early to give the President ample time to review it,” ani Escudero.

Dagdag pa niya, mas marami sanang naipasa na mga batas kung hindi naapektuhan ng mga bagyo ang kanilang sesyon.

“Mga isang linggo rin na session days ang naanod dahil sa bagyo at baha,” sabi niya.

Dahil sa pagbaba ng bilang ng mga miyembro ng Senado sa 23 matapos italaga si Senador Edgardo Sonny Angara sa posisyon ng edukasyon, sinabi ni Escudero na ang Senado ay nagkulang na sa miyembro at mag-multitask kaya’t isasabay ang budget deliberations sa iba pang mga panukalang batas na kinikilala bilang urgent ng Pangulo.

Kabilang sa mga naipasa ng Senado ay 12 sa mga priority bills ng administrasyong Marcos, kabilang ang Magna Carta of Filipino Seafarers, na kamakailan lamang pinirmahan ni Pangulong Marcos, ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy o CREATE MORE, at iba pa.

Ang mga Amendments to the Agricultural Tariffication Act, Blue Economy Act, at Amendments to the Universal Health Care Act ay kasalukuyang tinatalakay sa bicameral conference committee.

Upang matiyak na walang magiging aberya sa mga deliberasyon sa budget, nakipagkasundo si Escudero sa Philippine International Convention Center para gamitin ang mga function rooms nito para sa iba pang mga imbestigasyon in aid of legislation ng iba’t ibang komite, bilang bahagi ng oversight function ng Senado.

Sa ilalim ng pamumuno ni Escudero, inilunsad din ng Senado ang Senate Assist online platform, na naglalayong pasimplihin ang pag-access sa mga medical at social assistance programs ng mga senador, sa pakikipagtulungan ng mga ahensya ng gobyerno, pampublikong institusyon ng kalusugan, at pribadong sektor.

Ang Senate Assist portal, na pinangunahan ng Senate Spouses Foundation, Inc., sa pangunguna ni Heart Evangelista-Escudero, ay magbibigay-daan sa mga indibidwal na nangangailangan ng tulong upang magsumite ng kanilang mga kahilingan 24/7 mula saanman sa bansa.

“We have around 41 session days left before the end of the 19th Congress. We’re looking at passing as many of the priority bills of the President as possible with the little time left on our calendar,” dagdag ni Escudero.

Ang mga priority bills na kasalukuyang nakatakdang talakayin sa ikalawang pagbasa ay ang mga sumusunod:

• SBN 2821 o ang Amendments to the Right of Way Act

• SBN 2826 o ang Mining Fiscal Regime

• SBN 2771 o ang National Water Resources Management Act

• SBN 2781 o ang E-Governance Act

• SBN 2699 o ang Konektadong Pinoy Bill

• SBN 2474 o ang Unified System of Separation, Retirement and Pension of Military and Uniformed Personnel

• SBN 2034 o ang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC)

• SBN 2267 o ang Waste-to-Energy Bill