Calendar

Christopher ‘Tope’ Ilagan: Tapat, may integridad
TAPAT. May integridad.
Iyan Si Christopher Thomas “Tope” G. Ilagan, ang 39-anyos na independent candidate para sa konsehal ng District 1 ng Marikina.
Sa kauna-unahang pagkakataon, may isang kandidato sa Marikina na may lubos na kakayahan at mga platapormang isinusulong para sa kapakanan ng mga taga-District 1 ng Marikina, unang-una na ang mga mahihirap.
Sinabi niya na ganap din ang kanyang paniniwala na tama na ang kaliwa’t kanang siraan at ang nakaugaliang vote-buying na gustong ipatigil ng kasalukuyang pamahalaan at imbes ay ituon ang pansin sa pagtulong sa mga Marikeño.
Ayon sa kanya, malaki din ang kanyang paniniwala na ang pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon at mas maayos na trabaho sa mga taga-District 1 ng Marikina ang susi sa pagbuo ng mas matibay na kinabukasan para sa Marikeño.
“Hindi lang ito panandaliang tulong kundi panghabang-buhay na oportunidad para sa mas magandang bukas,” ayon sa independent candidate.
Sinabi ni Ilagan na ang pagiging konsehal ay lubos na mahalaga para sa mga taga-Marikina District 1, dahil maaari siyang hindi sumang-ayon sa isang ordinansa na alam niyang hindi makakatulong sa mga tagarito.
Tumatakbo bilang independiyente at walang partido na dapat tanawan ng utang na loob, naniniwala si Tope Ilagan sa freedom of information at ang pagiging transparent ng lahat ng mahahalal na opisyal ng bayan.
Bago siya mag-desisyon na tumakbong konsehal ng District 1, tumutulong na si Ilagan sa mga taga-District 1 sa pamagitan ng pagbibigay ng trabaho at iba’t ibang mga humanitarian projects tulad ng feeding programs simula pa noong nanalasa ang bagyong Ondoy sa nasabing siyudad.
Hindi pa man nagsisimula ang election period ay napatunayan na rin ng maraming taga-District 1 ng Marikina City ang pagiging matulungin at pakikipagkapwa-tao ni Ilagan.
Una rito ay ang pakikipag-usap niya sa pamilyang Tuazon at mga namumuno sa isang homeowners’ association sa isang purok sa Barangay Malanday para ganap na maayos ang kanilang usapin na may kinalaman sa pag-aari ng isang malawak na lupain.
Nitong Pebrero ay naghatid din ng tulong sa mga senior citizen ng District 1 si Ilagan sa pamamagitan ng kanyang pakikipagtalastasan sa United Citizen Party-list na pinamumunuan ni Rep. Mila Magsaysay.
Pagtatanim ng pag-asa
Si Tope Ilagan ay isang negosyante mula sa Brgy. Tañong na may matibay na adbokasiya sa edukasyon, trabaho at pagtatanim ng pag-asa, na ika niya ay isang pangmatagalang solusyon para sa ikauunlad ng Marikina.
Lumaki si Tope Ilagan sa isang pamilyang may malalim na pagpapahalaga sa edukasyon at propesyonalismo. Ang kanyang ama ay dating bise presidente sa bangko, habang ang kanyang ina ay may sariling paaralan. Mula pagkabata, natutunan niya ang kahalagahan ng sipag, tiyaga at tamang pamamahala.
Siya ay nagtapos sa La Salle Greenhills (elementary at high school), De La Salle-College of Saint Benilde (Hotel & Restaurant Management) at De La Salle University (Postgraduate Degree in Management).
Sinabi niya na bilang isang negosyanteng may tunay na malasakit sa mga taga-Marikina, ganap niyang nauunawaan ang mga hamon na kinakaharap ng taxpayers, manggagawa at maliliit na negosyante sa siyudad.
Dahil dito, layunin niya na dalhin ang mga pribadong kumpanya sa Marikina upang makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho at mapalakas ang lokal na ekonomiya, gamit ang kanyang malawak na koneksyon sa private and public sectors.
Ang mga pangunahing plataporma ni Tope Ilagan ay ang sumusunod:
Edukasyon—Libreng scholarship, skills training at livelihood programs para makapagbigay ng mas magandang kinabukasan sa mga Marikeño;
Trabaho—Pagpapasok ng mga pribadong kumpanya sa Marikina upang lumikha ng mas maraming hanapbuhay;
Pagtatanim ng pag-asa—Hindi lang panandaliang ayuda kundi pangmatagalang solusyon, tulad ng paaralan na may de-kalidad na edukasyon, mas mataas na sahod at mas mahuhusay na kasanayan sa trabaho upang mabigyan ng armas ang mga pamilya para lumaban sa hamon ng buhay; at
Pagbibigay ng karapatan at oportunidad sa bawat Marikeño—Naniniwala si Tope Ilagan na ang kaunlaran ng isang lungsod ay hindi dapat nakasalalay lamang sa iilang tao, kundi sa sama-samang pagsisikap ng buong komunidad.
Ayon kay Tope Ilagan, nararapat na ang bawat mamamayan ay may karapatang makinabang sa maayos na serbisyo, trabaho at oportunidad.
Ang mga pagbabagong ito ay lubusang makakamit sa pagtutulungan ng pamahalaan, siyudad at mga mamamayan nito, aniya.