Sara

Chua kay VP Duterte: Manahimik na lang, ‘wag pagbintangan ang PNP ng political harassment

63 Views

NANAWAGAN kahapon si Manila 3rd District Cong. Joel Chua kay Vice President Sara Duterte na hayaan na lamang mag-trabaho ang Philippine National Police sa halip na pagbitangan ito ng “political harassment” dahil sa pagtanggal sa kanyang ng 75 PSPG personnel.

“Malinaw ang pahayag ng PNP na inalisan siya ng maraming security personnel para ituon ang trabaho sa mas importante at mas karapat-dapat na pagtuunan ng pansin ng mga otoridad. Sa aking opinyon dapat itong igalang at respetuhin ng pangalawang pangulo at pagkatiwalaan ang desisyon ng PNP dahil sila ang mas nakakaalam nito,” ayon sa pahayag ni Chua.

“Maliwanag din ang tugon ng PNP na may sapat pa ring security personnel na maiiwan kay VP Sara at tiniyak din ng pulisya na kaya nilang protektahan ang pangalawang pangulo kaya wala akong nakikitang harassment sa ginawa ng PNP,” dagdag ng mambabatas.

Base sa talaan ng Vice-President Protection and Security Group (VPSPG), katumbas ng Presidential Security Group (PSG), may matirira pa ring 355 na security personnel si VP Duterte kahit na inalis na ang 75 na police escorts nito.

Nag-isyu ng pahayag si Chua bilang tugon sa mga sinabi ni VP Duterte na tila may political harassment na nangyayari matapos siyang alisan ng mga security personnel.

“Walang harassment dito, ang meron dito ay ang kagustuhan ng liderato ng PNP na makapag-trabaho ng tama ang kanilang mga tauhan,” giit ni Chua.

Matatandaan na inalisan si VP ng 75 PSPG personnel para ilipat sa ibang unit.

Iginiit ng PNP na 31 PNP personnel pa ang matitira kay VP Duterte at mga sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upara magbantay sa kanyang seguredad.

“Vice Pres. Sara Duterte has more than enough security personnel compared to her predecessors, ensuring a robust and comrehensive security framework. The adjustments in security personnel reflect our commitment to adopting security needs while also adhering to directives that enhance overall police efficiency,” ayon sa pahayag ni PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil kamakailan.

Kinampihan ni Chua ang pahayag ng PNP at iginiit na ang PNP ginagawa ang lahat para masigurong ligtas ang mas nakararami kesa sa iilan.

Matatandaan na si dating VP Leni Robredo ay may 75 lamang na security personnel bagamat hindi ito kaalyado ng dating Pangulong Duterte.

“Ang gustong bigyan ng proteksyon ng PNP ay ang buong bansa at hindi lamang yung iilan. Kulang na kulang tayo sa pulis ngayon, dapat ay alam yan ng ating bise presidente,” dagdag ni Chua.