Colmenares1 Dating Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares

Colmenares: VP Sara mapapatalsik sa pwesto, ebidensyang hawak ng prosekusyon malakas

18 Views

TIWALA si dating Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares na mapapatalsik sa puwesto si Vice President Sara Duterte kaugnay ng kasong impeachment complaint na isinampa laban dito.

Inihayag ito ni Colmenares sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay. Aniya malakas ang kasong isinampa at inihain nila laban sa ikalawang pangulo kung kaya’t sinuportahan ito ng mga mambabatas mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Tinukoy pa ni Colmenares na halos limang buwan ay wala pa rin naibibigay na paliwanag ang tanggapan ng ikalawang pangulo kung papaano nalustay ang P125 bilyong intelligence funds sa loob lamang ng 11 araw.

Paglilinaw pa ni Colmenares na hindi rin malinaw o maliwanag ang naging paliwanag ng kampo ng ikalawang pangulo sa mga naging pagdinig ng Kamara de Representantes ukol sa isyu.

Tiniyak pa ni Colmenares na mayroon silang sapat na ebidensya upang patunayan na nagkaroon ng pag-aabuso sa kapangyarihan sa paglustay umano ng pera ng bayan.

Handa rin si Colmenares na maging bahagi ng 11-man team prosecutor panel kung itatalaga siya ng House speaker upang sa ganoon ay higit niyang madepensa ang reklamo laban sa bise presidente.

Magugunitang minsan na rin naging bahagi ng prosecutor team si Colmenares noong impeachment trial laban kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.