Legarda Source: Comelec

Comelec, guro, poll workers pinasalamatan sa matagumpay na halalan

13 Views

PINURI ni Senadora Loren Legarda ang Commission on Elections (COMELEC) dahil sa propesyonal at tapat na pagsasagawa ng pambansa at lokal na halalan noong 2025.

Inilarawan niya ang halalan bilang matagumpay, na sinasalamin umano ng mabilis na transmisyon ng resulta at ng maayos na proseso ng pagboto sa buong bansa.

Ayon kay Legarda, “The swift and credible transmission of results, coupled with a well-managed voting process nationwide, reflects years of institutional strengthening and reform.”

Nagpasalamat din ang senadora sa mga guro, poll workers, at mga boluntaryo na nagsilbing haligi ng halalan, tinawag niya silang “gulugod ng demokratikong proseso ng bansa.” Gayunpaman, ipinaabot niya ang pag-aalala kaugnay ng mga naiulat na insidente ng karahasan at krimen sa ilang lugar habang ginaganap ang halalan.

Aniya, “It is deeply troubling that in this modern age… any form of suppression or violence has no place in our democracy,” habang pinasalamatan din niya ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang papel sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad ng mga botante.

Bukod sa papuri, nanawagan si Legarda na gawing bukas sa publiko ang anonymized election data, partikular ang impormasyong maaaring magpakita ng voting patterns batay sa edad, kasarian, rehiyon, at iba pang demograpiko, nang hindi isinasakripisyo ang privacy ng mga botante. Naniniwala siya na ang ganitong hakbang ay makatutulong sa pagpapalalim ng partisipasyong demokratiko, lalo na sa hanay ng mga kabataan. “Understanding how young people vote, what issues resonate across age groups or regions, helps us listen better, govern better, and include better,” saad niya.

Upang masiguro ang responsableng paggamit ng naturang datos, iminungkahi rin ni Legarda ang pakikipag-ugnayan ng COMELEC sa mga akademikong institusyon, mananaliksik, at eksperto sa datos.

Binigyang-diin niyang makatutulong ito upang labanan ang disimpormasyon, isulong ang edukasyong sibiko, at mapanatili ang mga tagumpay sa transparency na naipundar ng mga nagdaang halalan. Sa kanyang pagtatapos, ipinahayag ni Legarda na “Transparency does not end at the ballot box. It extends to how we reflect on our choices, learn from our shared experience, and refine the democratic space we all inhabit.”