Lakas

Comelec: Lakas-CMD dominant majority party

12 Views

IDINEKLARA ng Commission on Elections (Comelec) ang Lakas–Christian Muslim Democrats (CMD) bilang dominant majority party habang ang Nacionalista Party naman ang dominant minority party para sa 2025 National and Local Elections (NLE).

“On the basis of the foregoing considerations, the dominant majority party and the dominant minority party, and the accredited majority political parties for the May 12, 2025 national and local elections (NLE) are: Dominant majority party — Lakas-CMD; Dominant minority party — Nacionalista Party,” nakasaad sa resolusyong inilabas ng Comelec nitong Huwebes.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang dominant majority party at dominant minority party ay bibigyan ng hard copies para sa election returns (ERs) at magkakaroon rin ng kanilang sariling servers, na magagamit nila para sa quick counting ng mga boto, at counter-checking ng poll results.

Bukod sa mga naturang partido, nabatid na ang iba pang accredited political parties ay ang Akbayan Citizens Action Party, Aksyon Demokratiko, Liberal Party of the Philippines, Nationalist People’s Coalition, National Unity Party, Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, Partido Demokratikong Reporma, Partido Federal ng Pilipinas at United Nationalist Alliance.

Ayon sa Comelec, may kabuuang 11 political parties ang nag-aplay ng akreditasyon upang matukoy bilang dominant majority party at dominant minority party para sa nalalapit na midterm elections sa Mayo 12.

Nabatid na ang mga naturang political groups ay iniranggo naman, alinsunod sa kanilang kasaysayan, bilang ng incumbent elective officials, gayundin sa kanilang organized chapters sa mga lungsod, munisipalidad, at mga lalawigan sa bansa.

Samantala, may 15 lokal na partido rin ang naghain ng kani-kanilang petition for accreditation bilang isa sa dalawang major local parties sa kani-kanilang rehiyon, lalawigan at mga lungsod.

Kabilang dito ang Arangkada San Joseno Inc. (ARANGKADA) para sa lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan; Asenso Manileño Movement (ASENSO MANILEÑO) para sa Maynila; Bileg Party (BILEG) para sa Ilocos Sur; Filipino Rights Protection Advocates of Manila Movement (FRONTLINERS ANG BIDA) para sa National Capital Region (NCR); Hugpong sa Tawong Lungsod (HTL) para sa Davao City; Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran (KABAKA) para sa NCR; Kusog Bikolandia (KB) para sa Region V; Malayang Kilusan ng mga Mamamayang Zambaleno (MAKIMAZA) para sa Zambales; Partido Balikatan ng Bataan (BALIKATAN) para sa Bataan; Partido Navoteno (NAVOTENO) para sa Navotas City; Serbisyo ng Bayan Party (SBP) para sa NCR; Solidarity for Transformation, Advancement Nationalism Towards a Dynamic, United and Progressive Quezon Province (STAND-UP OR STAN Q) para sa Quezon Province; Together as One (TAO) para sa Region II; Unang Sigaw Partido ng Pagbabago (UNANG SIGAW) para sa Nueva Ecija; at Umpungan ng Mapagmalasakit Party (UMP) para sa Maguindanao.