Secretary Jaime Bautista Transportation Secretary Jaime Bautista

Conference ng DGCA mahalaga upang PH aviation umunlad

Jun I Legaspi Oct 15, 2024
44 Views

KINILALA ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang kahalagahan ng 59th Conference of the Directors General of Civil Aviation (DGCA) bilang plataporma para matugunan ang carbon emissions sa aviation industry at isulong ang pag-unlad ng industriya ng aviation sa bansa.

Ang taunang pagtitipon ng mga lider ng industriya ng aviation mula sa Asia-Pacific nagsimula noong Oktubre 14 at tatagal hanggang Oktubre 18. Nagtitipon ang 423 delegado mula sa iba’t-ibang panig ng mundo sa conference.

Tatalakayin sa conference ang mahahalagang usapin gaya ng kaligtasan at seguridad na may focus sa pagbabawas ng carbon emissions alinsunod sa tema ngayong taon ng DGCA na resiliency, sustainability at inclusivity.

“Pag-uusapan diyan ang safety, which is always a major topic for discussion. Sa sustainability naman, titignan natin kung ano ang mga practices that will allow us to contribute to the reduction of carbon emissions, kasama na ang mga best practices in the industry.

Isa pa sa mga areas na pag-uusapan ang capacity building—kung paano mapapa-increase ang capability ng mga director general. Kailangan kasi continuous ang development,” sabi ni Bautista.

Bilang suporta sa mga pandaigdigang pagsisikap para sa sustainability, ibinahagi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Capt. Manuel Antonio Tamayo na halos 15,000 puno na ang naitanim sa buong bansa.

Sumusuporta ang initiative sa Long-Term Aspirational Goal ng ICAO na net-zero carbon emissions pagsapit ng 2050.

Ang DGCA conference nagsisilbing mahalagang forum para sa pagpapalitan ng mga ideya at pinakamahusay na mga gawain sa pagitan ng mga lider ng aviation, at inaasahan na ang mga resulta nito makakatulong sa hinaharap ng aviation sa Pilipinas at Asia-Pacific.