Abante

Cong. Benny Abante Iginiit sa Deped, CHED at nyc na paalalahanan ang mga mag-aaral sa peligrong dala ng hazing

Mar Rodriguez Aug 26, 2022
170 Views

Abante nagbabala sa peligrong dulot ng hazing

IGINIGIIT ng isang senior Metro Manila congressman sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at National Youth Commission (NYC) na paalalahanan nila ang mga estudyante patungkol sa peligrong dala ng “hazing”.

Ito ang iminungkahi ni House Deputy Majority Leader at Manila 4th Dist. Cong. Bienvenido “Benny” Abante sa DepEd, CHED at NYC kasunod ng muling pagbubukas ng mga klase sa elementarya, high school at kolehiyo matapos ang dalawang taong lockdown dahil sa pandemiya.

Sinabi ni Abante na kailangang magbigay ng babala ang tatlong ahensiya ng pamahalaan upang maipabatid sa mga mag-aaral ang peligrong hatid ng “hazing” sa mga paaralan. Kasabay ng kaniyang pahayag na dapat seryosohin ng tatlong ahensiya ang nasabing usapin.

Binigyang diin ni Abante na mistulang hindi aniya natututo ang mga Pilipino dahil sa kabila ng umiiral na batas laban sa “hazing” ay patuloy parin umanong namamayagpag ang masamang gawing ito na ikinakamatay ng maraming mag-aaral pumapasok sa isang “fraternity”.

“Parang hindi tayo natututo. It’s just a tragic cycle, someone dies from hazing followed by momentary outrage after which maybe some action is taken, then the issue is forgotten,” ayon kay Abante.

Naniniwala si Abante na kailangan maging alerto ang mga “school officials” at “proactive” laban sa hazing o “initiation rites” sapagkat nangyayari aniya ang nasabing aktibidades sa loob mismo ng iba’t-ibang “school campuses” at maging sa loob ng isang presinto.