Hagedorn

Cong. Edward Hagedorn ikinagalak pagbangon ng turismo sa Palawan

227 Views

IKINAGAGALAK ngayon ng isang kongresista ang unti-unting pagbangon ng turismo sa kanilang lalawigan matapos ang halos dalawang taong pamumuksa ng COVID-19 pandemic sa buong bansa na naka-apekto ng malaki sa kabuhayan at negosyo ng kaniyang mga kababayan.

Sa isang panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Palawan 3rd Dist. Cong. Edward S. Hagedorn na sa kasalukuyan ay paunti-unti ng nakaka-recover ang kanilang lalawigan matapos ang dalawang taong “health crisis” bukod pa dito ang mga bagyong sumalanta sa Palawan.

Inamin ni Hagedorn na halos walong taon din siyang nawala sa puwesto o “inactive” sa politika. Kung saan, nakita nito ang paghihirap na dinanas ng Palawan. Kabilang na dito ang madalang na pagbisita ng mga turista, bagsak na kabuhayan ng mga Palawenyo at iba pa.

Kilala ang Palawan bilang “The Last Frontier” dahil sa angkin nitong kagandahan kabilang dito ang tinatawag na “virgin forests”. Ang isa rin nagpapa-akit sa lalawigan ay ang ipinagmamalaki nitong “underground river” na kinagigiliwan ng maraming turista.

“Well okey naman sa tulong ng ating Panginoon. Almost eight years kasi akong nawala sa puwesto tsaka malungkot, halos walang dumarating na turista, ang mga negosyo ay bagsak. Marami ang naapektuhan lalo na nung sumalanta ang bagyong Odette, awa naman ng Diyos. Mula ng maupo kami ng Bilas kong Mayor bumalik na ulit ang sigla sa Palawan,” ayon kay Hagedorn.

Ipinagmamalaki din ni Hagedorn na kung noon ay halos isang flight lamang ang dumarating sa Palawan. Ngunit ngayon aniya ay sunod-sunod na ang mga eroplanong lumalapag sa kanilang lalawigan.

Sinabi rin ng mambabatas na noong mga panahong wala siya sa katungkulan o puesto sa kasagsagan ng pandemiya at bagyong Odette ay ipinagpatuloy parin niya ang pagkakaloob ng tulong para sa kaniyang mga kababayan kahit na siya ay isang sibilyan lamang.

“Actually wala ako sa puwesto during the pandemic and during the typhoon, isa akong civilian eh. Pero I was one of the first na nagbigay ng tulong duon sa mga kababayan natin through my personal capacity. Kaya maaaring isa ito sa mga dahilan kaya muli tayong binoto,” sabi pa ni Hagedorn sa panayam ng People’s Taliba.