Martin

Constituents, proyekto sa Leyte binisita ni Speaker Romualdez

229 Views

BINISITA ni Speaker Martin G. Romualdez ang kanyang mga constituent sa Leyte gayundin ang mga proyektong ginagawa para mapaunlad ang probinsya.

Maagang dumating si Speaker Romualdez at una nitong pinuntahan ang ginagawang airport terminal ng Daniel Z. Romualdez Airport o mas kilala bilang Tacloban City Airport.

Kasama ni Romualdez sa isinagawang inspeksyon si CAAP Acting Director General Manuel Antonio Lara Tamayo at iba pang opisyal.

Sumunod na pinuntahan ni Speaker Romualdez ang Eastern Visayas State University (EVSU) auditorium upang saksihan ang distribusyon ng cash aid para sa 515 benepisyaryo sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating

Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program at 30 benepisyaryo naman sa Negosyo Karts na parehong programa ng Department of Labor and Employment (DoLE).

“Nagta-trabaho po kami nina Cong. Jude (Acidre) at Cong. Yedda (Marie K. Romualdez) ng Tingog party-list sa Kongreso araw-araw para makahanap ng maayos na programa para sa inyo. Iyun po ang trabaho natin, pagkagising sa umaga nag-iisip at naghahanap tayo kung ano ang puwedeng maibigay at madala sa ating constituents sa First District, sa probinsiya at buong rehiyon,” sabi ni Speaker Romualdez.

Umabot sa P2.562 milyong halaga ng tulong ang naipamigay sa ilalim ng TUPAD program na ipinamahagi sa 100 residente ng Tacloban City, 205 benepisyaryo mula sa bayan ng Alang-alang, at tig-100 katao sa bayan ng Babatngon at Sta. Fe.

“Hangarin ng representatives sa Tingog party-list na magdala ng maayos na programa at proyekto. Tuloy-tuloy ang pagdating ng mga programa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Sumama kay Romualdez sina Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, Sta. Fe Mayor Amparo Monteza, EVSU officer-in-charge Dr. Analyn C. Españo, DoLE Regional Director Henry John Jalbuena, at mga opisyal at staff ng iba’t ibang munisipyo.

Nakasama naman ni Speaker Romualdez sa pananghalian sina Mayor Romualdez, mga gubernador, alkalde, kongresista, vice mayor, konsehal at iba pang opisyal ng Leyte at mga kalapit na probinsya.

Matapos ito ay pumunta si Romualdez sa ginagawang Bypass Road sa Tacloban City kasama sina DPWH Regional Director Edgar Tabacon, DPWH Assistant RD David Adongay, DPWH district engineers Adelfa Bonifacio at John Acosta, at iba pang opisyal.

Pumunta rin si Speaker Romualdez sa Gov. Benjamin T. Romualdez General Hospital sa Palo, Leyte upang saksihan ang pagtanggap nito ng mga hospital equipment gaya ng beddings at hygiene kits.

Dumalo sa event sina Medical Center Chief Lyn Verona at Dr. Shena Jo Capucion, Office of Civil Defense Regional Director Byron Torrecarion at iba pang opisyal at staff ng pagamutan.

Pinuntahan din ni Speaker Romualdez ang Storm Surge Protection Project sa Payapay, San Jose sa Tacloban City.

“I am glad that everything that we fought for in Congress for our province and Region VIII are slowly coming to fruition. We look forward to more projects in the future for the benefit of all our constituents in Leyte and Region VIII,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.