Calendar

Contempt order laban kay dating PDEA chief Villanueva binawi ng House Quad Comm
BINAWI na ng quad committee ng Kamara de Representantes noong Martes ang contempt at detention order na ipinataw nito kay dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Wilkins Villanueva.
Inaprubahan ni lead committee chairman Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte ang mosyon ng co-chairperson nito na si Rep. Joseph Stephen Paduano na bawiin ang order matapos na walang miyembro na tumutol dito.
“I was the one who moved to cite ex-General Wilkins in contempt and I appreciate his gesture of seeking a reconsideration, unlike Col. Grijaldo, who resorted to forum shopping,” sabi ni Paduano.
Ang pinatutungkulan ni Paduano ay si Police Col. Hector Grijaldo, dating hepe ng Mandaluyong City police station, na nakakulong din sa Kamara.
Sa halip na maghain ng motion for reconsideration, sinabi ni Padunano na si Grijaldo ay naghain ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestyunin ang naging desisyon ng komite.
Ayon pa sa mambabatas, nangako si Villanueva na makikipagtulungan sa komite at katotohanan ang isasagot.
Si Villanueva ay na-cite in contempt noong nakaraang buwan dahil umiiwas umano ito na sagutin ang mga tanong kaugnay ng pagkakaaresto kay Jed Pilapil Sy, asawa ng pinaghihinalaang drug lord at Chinese national na si Allan Sy, matapos i-raid ng PDEA ang pinaghihinalaang shabu laboratory sa Davao City noong 2004.
Hindi naman kaagad na ikinulong ng komite si Villanueva at ipinagpaliban ito hanggang noong Enero 13, ang pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.
Si Grijaldo ay na-contempt matapos ang paulit-ulit na hindi pagsipot sa pagdinig ng komite makaraang akusahan sina committee co-chairmen Reps. Bienvenido Abante Jr. ng Manila at Dan Fernandez ng Santa Rosa City sa Laguna na pinilit siyang suportahan ang testimonya ni retired Col. Royina Garma, kaugnay ng reward system sa war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon na nagresulta sa libu-libong extrajudicial killings.
Itinanggi nina Abante at Fernandez na pinilit nila si Grijaldo.
Pinatotohanan naman ng dalawang abogado ni Garma na kasali sa pagpupulong na hindi pinilit nina Abante at Fernandez si Grijaldo.