Yorme

Contractors na may ‘baha’ projects sa Maynila nagbayad na ng P93M

Edd Reyes Sep 13, 2025
242 Views

Iba pa hahabulin ni Yorme Isko 

UMABOT na sa ₱93,639,910.17 na hindi nabayarang buwis ng mga contractors na may mga flood control projects sa Maynila ang nakolekta na ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Ayon kay Mayor Isko Moreno Domagoso may 140 na mula sa 315 flood control projects sa lungsod mula noong 2022 hanggang 2025 ang nagbayad na ng kanilang obligasyon habang ang 175 na proyekto pa ang may pagkakautang sa buwis na nagkakahalaga ng P127,277,404.23.

Tiniyak ni Mayor Isko Moreno na sisingilin nila ang mga contractors na may proyekto sa lungsod na mapapatunayang hindi nagbabayad ng kaukulang buwis.

“We will not stop here. As long as makita namin sila sa pagsisiyasat, hahabulin pa rin natin,” pagtiyak ng alkalde.

Nagsimulang magbayad ang mga contractors nang bantaan niya ang isang kontratista na may P247 milyong utang sa buwis na ipapa-blacklist niya ito kung hindi tatalima sa obligasyon.

Nakatulong ang paghahabol ng pamahalaang lungsod nang lumabas sa website ng “Sumbong sa Pangulo” ang 215 flood control projects sa Maynila, ngayong 2025, pati na ang 100 pa mula 2022 hanggang 2024.

Nagbanta pa ang alkalde na kung hindi magbabayad ng buwis ang mga kontratista, hindi na sila makakauha ng permit sa City Engineering Office at Office of the City Building Officials at ipaba-blacklist na rin nila ang mga ito sa Department of Public Works and Highways (DPWH)

“If you’re going to hire said contractors, who are not following simple rules and obligations, hindi na sila makapaghahanapbuhay sa Maynila,” sabi ng alkalde kasabay ng pagbabanta na kakasuhan nila ng kriminal at sibil ang tatangging tanggapin ang notice of payment ng pamahalaang lungsod.