Sekyu Source: Raffy Tulfo In Action

Tulfo umaksyon para sekyu na pinakulong makalaya

289 Views

MARIING umaksyon si Senator Raffy Tulfo sa kaso ng pagkakakulong ng isang security guard sa Quezon City at iginiit na mananagot ang mga opisyal at pulis na umano’y nag-abuso ng kapangyarihan.

Bunga nito, nailabas ang piyansa para sa guwardiya, sinimulan ang internal probe sa mga rumespondeng pulis, at agad na inalis sa puwesto ang isang mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa ulat ng Raffy Tulfo in Action (RTIA) noong Setyembre 11, naka-duty si Gregy Reyes sa gate ng Rosalia Village 2 sa Tandang Sora nang harangin niya ang sasakyan ni Atty. Mikhail Valodya Tupaz, hepe ng DPWH Legal Services Central Office Internal Affairs Division. Giit ni Homeowners’ Association (HOA) president Rommel Te, hindi residente si Tupaz at wala itong “passing-through” sticker. Dagdag pa ni HOA OIC Jarred Ulibas, tumanggi rin si Tupaz na magpakita ng ID na kailangan para sa lahat ng hindi residente.

Lumala ang insidente nang ibinaba ni Reyes ang barrier. Ayon kay Ulibas, pinagmumura umano si Reyes nina Tupaz at ng kanyang amang nagpakilalang abogado. Ngunit batay sa CCTV na nasilip ng RTIA, nakasukbit lamang sa balikat ng guwardiya ang baril at hindi ito naitutok sa sinuman.

Gayunman, agad inaresto si Reyes ng mga pulis kahit walang warrant o sapat na beripikasyon. Inilahad ni Joan Manrique, kinakasama ni Reyes, na higit isang buwan na itong nakakulong kaya napilitan siyang humingi ng tulong kay Tulfo.

Direktang kinontak ni Tulfo si Police Station 3 commander PLtCol. Von Alejandrino at iginiit ang imbestigasyon. Ayon sa senador, dapat alisin muna sa serbisyo, tanggalan ng baril, at manatili sa headquarters ang dalawang pulis habang iniimbestigahan—na agad namang sinang-ayunan ni Alejandrino.

Bukod dito, nakipag-ugnayan si Tulfo sa Scads Force Security Services, ang agency ng guwardiya, para mapabilis ang piyansa. Nangako siya ng ₱120,000 para sa paglaya ni Reyes at nagbigay rin ng ₱17,000 bilang tulong kay Manrique.

Isang araw matapos ang isyu, Setyembre 12, kinumpirma na ni DPWH Secretary Vince Dizon ang agarang pagtanggal kay Tupaz sa kanyang puwesto.

Sa kabuuan, ipinahayag ni Tulfo na magsasagawa ng pagdinig ang kanyang Senate Committee on Labor and Employment upang busisiin ang umano’y pang-aabuso laban sa mga security guard, ang maling pag-aresto ng pulis, at ang pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.

“This is not just about Gregy Reyes,” ani Tulfo on air. “This is about protecting every security guard and worker from harassment, wrongful arrest, and abuse of power.”