Isko Mismong sina Manila Mayor Isko Moreno, Bise Alkalde Chi Atienza at mga konsehal ng 5th district ang nag-gupit ng ribbon para sa pagbubukas ng pang-pitong ospital na pampubliko sa Maynila noong Biyernes. Tinawag na Baseco Hospital President Corazon C. Aquino General Hospital sa Port Area, Manila ang pinakabagong ospital. Ayon kay Mayor Isko Moreno Domagoso, katuparan ito ng kanyang pangako na mailapit sa mga residente, lalo na sa Baseco, ang de-kalidad at maayos na serbisyong medikal. JONJON C. REYES

Corazon Aquino hospital binuksan ni Yorme, VM Chi

Edd Reyes Sep 5, 2025
320 Views

OPISYAL na binuksan nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang President Corazon C. Aquino General Hospital o Baseco Hospital matapos ang tatlong taong pagkabinbin.

Idineklara ng alkalde ang naturang pasilidad na simbolo ng kalayaan ng paghihirap ng kanyang mga maralitang kababayan sa pangangailangan sa programang pangkalusugan.

Ito ang dahilan kaya ipinangalan kay dating pangulong Aquino ang Baseco Hospital bilang pagkilala sa kanyang iniwang pamana bilang hudyat ng pagbabalik ng demokrasya sa bansa.

“Nakakatuwang isipin, I think, sa buong Pilipinas, pwede kong masabi, na ito lang ang barangay na may sariling ospital. This hospital may serve at least 80,000 people, from Intraport to Baseco,” pahayag ni Yorme.

May 50-bed capacity ang ospital. May emergency room digital x-ray, centralized oxygen supply line at mga departamento tulad ng maternity, pediatrics, surgery at internal medicine.

Malayo sa kabihasnan ang lugar bukod pa sa mailap na serbisyong pang-kalusugan, mga dahilan upang pagsikapan ng alkalde na maitayo rito ang pasilidad.

Ipinaalala ng alkalde sa mga taga-Baseco na hindi lamang sa mga proyektong nagsisilbing palamuti nakatutok ang lokal na pamahalaan kundi sa abilidad na mapataas ang kalidad ng pamumuhay ng mamamayan.

“Mapapansin ninyo, muling namuhunan sa kanyang pamayanan at mamamayan sa pamamaraang mas epektibo. Doon ko kayo dadalhin. Loobin nawa ng Diyos, bigyan ako ng kakayanan at resources, hindi ako titigil,” pagtiyak ni Yorme Isko.