Calendar

‘Courtesy resignation’ ng Gabinete umani ng suporta sa Senado
UMANI ng suporta mula sa ilang senador ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsumite ng courtesy resignation ang lahat ng miyembro ng kanyang Gabinete — isang hakbang na layong magsagawa ng reorganisasyon sa pamahalaan.
Bagama’t kinilala ng mga mambabatas ang karapatan ng Pangulo na buuin ang kanyang sariling team, nagbigay rin sila ng magkakaibang pananaw hinggil sa epekto at saklaw ng nasabing desisyon.
Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, isang “good start” ang hakbang na ito, ngunit iminungkahi niyang palawakin pa ang reporma sa labas ng Gabinete.
“The President’s course correction must include his entire political house, starting with his own backyard,” ani Escudero. “For when government fails to meet these expectations, it is the public who suffers—and I commend the President for taking immediate action.”
Kinilala rin ni Senador Jinggoy Estrada ang karapatan ng Pangulo sa pagbubuo ng Gabinete, at sinabing likas sa tungkulin ng Pangulo ang pagpapasya kung kinakailangang baguhin ang kanyang mga pinuno sa ehekutibo.
“If the President deems it necessary to revamp his official family, I don’t see anything wrong with it—especially if such a move is in pursuit of assembling a leadership team that can deliver efficient, accountable, and responsive governance,” wika ni Estrada. Dagdag pa niya, “Wala akong nakikitang dahilan para mabahala ang publiko sa direktiba ng Pangulo.”
Samantala, nagbigay ng mas maingat na pananaw si Senadora Nancy Binay. Kinatigan niya ang kapangyarihan ng Pangulo na humiling ng resignasyon ngunit nagbabala sa posibleng pagkaantala ng mga programa ng pamahalaan kung hindi agad mapapalitan ang mga opisyal.
“Sana kung may tatanggapin siya ang courtesy resignation, yung kapalit nandiyan na kaagad,” aniya. Ayon pa kay Binay, base sa pahayag ng Pangulo, “it’s a reflection na mukhang may pagkukulang yung members of his Cabinet.”
Ipinapakita ng mga pahayag na ito ang pagkilala ng mga senador sa diskresyon ng Pangulo bilang punong ehekutibo, kasabay ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng maayos na pagpapatupad, tuloy-tuloy na serbisyo, at pagsusuri sa performance ng mga opisyal.