CP Charger NAG-APOY – Sumiklab ang sunog sa San Andres Bukid, Manila, matapos umanong sumabog ng isang cellphone charger na dahilan ng pagkatupok sa isang tahanan. Kuha ni JON-JON REYES

CP charger sumabog, sunog sumiklab sa San Andres

Jon-jon Reyes Oct 13, 2024
85 Views

CELLPHONE charger ang tinutukoy umano ng Bureau of Fire Protection (BFP) na sanhi ng sunog sa isang residential area sa panulukan ng Oro-B at Sampaguita Streets, Barangay 770, San Andres Bukid, Manila, Linggo ng umaga.

Ayon sa ulat ng BFP, bandang 8:30 nang magsimula ang sunog sa naturang lugar.

Unang rumesponde ang mga tauhan ng Dagonoy Police Community Precinct, sakop ng Sta. Ana Police Station 6 ng Manila Police District, sa pangunguna ni PLt. Derenz Christian Miranda, PCP commander, kasama ang apat nitong tauhan.

Agad na kinordon ang lugar upang maiwasan ang masasamang elemento ng pagnanakaw.

Nagresponde ang mga pamatay sunog na kinabibilangan nila SFO4 Jowell Jacinto at SFO3 Bobadilla.

Wala namang nasaktan sa sunog at iba-ibang fire truck ang rumesponde maging ang mga fire volunteer.

Mabilis ang pag-apula ng apoy at dakong 8:40 ng umaga ay idineklarang fire out ang sunog na abot P10,000 ang napinsalang mga ari-arian.