PSA

CRVS system hiniling baguhin

9 Views

HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Philippine Statistics Authority (PSA) na magpatibay ng isang proactive at community-based approach para matulungan ang mga indibidwal na hindi pa nakarehistro sa civil registry na makakuha ng kanilang birth certificates.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2914 na naglalayong baguhin ang Civil Registration and Vital Statistics (CRVS) system ng bansa upang masugpo ang mga pekeng record-keeping kasunod ng pagkakatuklas ng pekeng birth registration ng mga dayuhang sangkot sa mga kriminal na aktibidad.

“Hindi lang dapat ministerial ang trabaho ng PSA na tatanggap lang ng mga application. Kung galing ka sa probinsya, mahirap talagang kumuha ng dokumento,” sabi ni Gatchalian sa isang consultative meeting na ginawa ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa panukalang Philippine Civil Registration and Vital Statistics Act.

Ayon sa kanya, ang lungsod ng Valenzuela ay nagpatupad ng kahalintulad na pamamaraan matapos mapansin na ang ilan sa mga nagtatrabaho sa mga pabrika na nag-ooperate sa lungsod ay walang birth certificates, bagay na pumipigil sa kanila na gumawa ng pampubliko at pinansyal na mga transaksyon.

Bilang tugon, ang pamahalaang lungsod ay nagtalaga ng mga tauhan upang tulungan ang mga indibidwal na ito sa pagkumpleto ng mga requirements para sa late registration.

Ang programa ay isang pagtulong sa mga aplikante na matupad ang mga kinakailangang hakbang, kabilang na ang pagkuha ng pahayag mula sa isang midwife o hilot na dumalo sa kanilang kapanganakan.

Kasabay nito, hinimok ni Gatchalian ang PSA na magkaroon ng balanse sa pagitan ng pagtulong sa mga hindi pa kasama sa civil registry at pagpigil sa mga kawatan na makakuha ng birth certificate sa pamamagitan ng pagsasamantala sa late registration program gaya ng ginawa ng Chinese national na si Guo Hua Ping, o kilala rin bilang Alice Guo.

Ang proactive framework na ito ay nagbibigay daan para sa mas maayos na paraan upang makapagbigay ng kapangyarihan sa mga mamamayan na ganap na lumahok sa mga sistemang pang-ekonomiya at legal sa pamamagitan ng paglutas ng mga hadlang sa civil registration.

“Hindi naman sila maglalakas-loob kung wala silang kausap na sindikato sa loob,” sabi ng senador na tumutukoy sa mga kumukuha ng birth certificates sa pamamagitan ng maling pamamaraan.

“Ang problema talaga ay nasa mga corrupt civil registrar o civil registry employees,” aniya.