SCTEX File photo ng Philippine Red Cross ng trahedya sa SCTEX

CTPL insurance coverage dagdagan, hiling ng transport groups kay PBBM

Jun I Legaspi May 4, 2025
22 Views

MULING nanawagan ang mga transport groups kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na itaas ang insurance coverage sa Compulsory Third Party Liability (CTPL) kasunod ng trahedya sa SCTEX na ikinasawi ng 10 katao.

Tiniyak ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na magtatrabaho siya nang doble para maiproseso at maibigay agad ang insurance benefits sa lahat ng biktima.

Ayon sa LTFRB, inatasan na ni Guadiz ang Passenger Accident Management and Insurance Agency (PAMI) na iproseso at ipamahagi ang insurance claims sa mga biktima ng naturang aksidente.

Habang sigurado ang 33 sugatang pasahero ng bus na makakatanggap ng P50,000 hanggang P100,000 insurance, hindi nito saklaw ang mga nasugatang sakay ng dalawang pribadong sasakyan.

Kahit umaabot sa P400,000 ang insurance coverage mula sa PAMI para sa bawat nasawing pasahero ng mga pampublikong sasakyan, hindi ito saklaw ng walong namatay na sakay ng Nissan Urvan at dalawang nasawi mula sa KIA Sonet sa aksidente noong Mayo 1.

Ito ang nais ipanawagan ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) na pinangungunahan ni Melencio “Boy” Vargas, kasama ang iba pang transport groups, sa administrasyong Marcos.

Ayon kay Vargas, dapat pangunahan ng Insurance Commission ang pagsasaayos nito upang makinabang ang milyon-milyong gumagamit ng kalsada.

“Nagsusumamo rin kami kay Secretary Vince B. Dizon aksyunan agad itong isyu ng CTPL kung pwede ngayon na,” saad ni Vargas.

Ayon kay Vargas, matagal na nilang adbokasiya kasama ng iba pang transport groups ang pagsusulong ng makatarungang insurance benefits, lalo na’t araw-araw nasa kalsada ang kanilang mga miyembro at batid na nila ang mga suliraning kaakibat ng pagkuha ng insurance claims.

Isa pa sa mga isinusulong ng ALTODAP at ng iba pang transport group ang pagpapabilis ng proseso ng insurance claims uwing may aksidente sa kalsada.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang aksidente sa Katipunan flyover kung saan ilang araw pa bago mailabas ang maximum insurance payment na P200,000 para sa mga biktima.

“Apat ang namatay sa Katipunan flyover accident at 25 naman ang nasugatan. Ang na-release lang na maximum insurance payment ay P200,000 at paghati-hatian pa yun ng lahat ng biktima,” ani Vargas.

Ayon kay Vargas, ang Katipunan Flyover accident at ang kamakailang trahedya sa SCTEX dapat maging wake-up call para sa pamahalaan upang tugunan ang mga hinaing ng mga gumagamit ng kalsada.