DA

DA: Floor price kailangan para kita ng farmers tumaas

Cory Martinez Nov 8, 2025
301 Views

MABISANG paraan sa pagpapataas ng kita ng mga magsasaka ang pagpapatupad ng floor price sa pagbili ng palay ng mga ahensya, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Ayon sa kalihim, mapapalakas din ang papel ng National Food Authority (NFA) ng inisyatiba upang matiyak ang patas na presyo sa butil.

“Ang floor price ay mahalagang bahagi ng mga solusyon na kailangan natin upang mapahusay ang kita ng ating mga magsasaka,” sabi ni Tiu Laurel.

Pinahintulutan ng NFA Council ang pagbili ng palay sa presyong P17-P30 per kilo depende sa moisture content at kundisyon ng merkado.

Ang tulong palay binibili ng P20-P23 per kilo.

Inaasahang magpapalawak sa market access at mapatatag sa farm gate prices ang floor price, kasama ang Sagip Saka Act na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga ahensiya ng gobyerno na direktang bumili ng palay at iba pang produktong agrikultura sa mga magsasaka.

“Ang presyuhan ng NFA ang magsisilbing pamantayan sa pagbili ng gobyerno hanggang sa magtakda ang steering commitee ng regional floor prices,” dagdag ng kalihim.

Sinabi naman ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na malaking tulong sa mga magsasaka ang bagong presyo sa ilalim ng Executive Order (EO) 100 at ang kabuuang implementasyon ng Sagip Saka Act sa ilalim ng EO 101.

Alinsunod ang programa sa ipinatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang import ban sa bigas upang maitaas ang presyo ng palay.

Idinagdag ni Estrella na sa sandaling muling magsimula muli ang importasyon, itataas ang taripa subalit ito ay “calibrated upang mabalanse ang interes ng mga magsasaka at consumers.”