Calendar

DA inalis MSRP sa karne ng baboy
INALIS na ng Department of Agriculture (DA) ang maximum suggested retail price (MSRP) para sa karne ng baboy batay sa kahilingan ng industry players.
Tiniyak ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na naghahanda ang ahensya ng mas epektibong solusyon upang mapababa ang presyo ng karne sa harap ng pagsulpot kamakailan ng mga kaso ng African Swine Fever (ASF).
“Bagamat sinikap ng industriya na sumunod sa MSRP, ang matinding kakulangan sa produksiyon ng baboy dahil sa ASF, na sinabayan pa ng mataas na pangangailangan ng consumers ang mas nagpapahirap na maibaba ang presyo,” ani Tiu Laurel Jr.
Hinikaya niya ang mga mamimili na maghanap ng murang alternatibong protina tulad ng manok, isda at baka habang gumagawa ng hakbang ang gobyerno upang mapatatag ang supply ng karne at presyo sa mga susunod na linggo.
Sa ilalim ng kasunduan ng DA at stakeholders sa industriya sa presyuhan ng baboy, naunang itinakda ang MSRP sa P380 per kilo para sa liempo, P350 sa pigue at kasim at P300 sa sabit-ulo (fresh carcass).
Sinadya ang mga presyo upang magpakita ng patas na halaga sa buong supply chain habang pinoprotektahan ang mga consumer mula sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo.
Gayunman, nanatiling mataas ang bentahan ng presyo ng karne ng baboy, at ang sinisisi ng grupo sa industriya ang muling paglutang ng ASF bilang pangunahing dahilan na nakakaapekto sa supply at nagpahina sa produksiyon.
Simula ng kumalat noong 2019 ang ASF, bumaba ang imbentaryo ng baboy sa buong bansa mula sa tinatayang 13 million sa 8 million.
Samantala, hinihintay pa ng DA ang pag-apruba at clearance ng Food and Drug Administration para sa commercial roll out ng ASF vaccine na posibleng ngayong taon bago ipatupad ang agresibong repopulation plan na magpapanumbalik sa domestic production sa pre-ASF levels pagsapit ng 2028.