Calendar
DA mag-aangkat ng 16K metric tons ng puting sibuyas
MAG-AANGKAT ng 16,000 metriko tonelada ng puting sibuyas ang Pilipinas upang mapunan ang kakulangan sa suplay at matiyak ang pagpapanatili ng presyo nito, ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.
Sinabi ng kalihim na inaprubahan na niya ang pag-angkat ng puting sibuyas na ibebenta sa loob ng apat na buwan at inaasahang darating ang unang batch sa mga susunod na araw.
“We will do this by batches, in limited quantity so as not to affect existing stocks of red onions as well. We will issue permits every two weeks,” ani Tiu Laurel.
Dagdag pa ng kalihim na layunin din ng pag-angkat na maiwasan ang malaking epekto sa output ng mga onion farmers sa susunod na taon.
Hindi gaya ng pulang sibuyas na sagana ang produksiyon, limitado ang produksiyon ng puti o dilaw na sibuyas sa bansa.
Sa katunayan, ani Tiu Laurel, ang kasalukuyang suplay ng pulang sibuyas sapat na hanggang Marso 2025.