DA

DA magbibigay ng P10M proyekto sa 200 mangingisda sa LP

Edd Reyes Oct 13, 2026
18 Views

HALOS 200 mangingisda ng tatlong organisasyon sa Las Piñas City ang makikinabang sa mahigit P10 milyong livelihood projects na ipinagkaloob sa ilalim ng Fisheries and Coastal Resilient Ecosystem (Fishcore) program ng Department of Agriculture.

Tampok sa proyekto ang “Green Mussel Culture” gamit ang makabagong paraan ng pag-aalaga ng mga tahong sa ilalim ng Fishcore.

Isinagawa ang ceremonial awarding sa Bernabe Covered Court, Pulanglupa Uno bilang suporta sa mas responsableng aquaculture at alternatibong kabuhayan para sa mga coastal fishing community.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang Samahang Mangingisda ng Daniel Fajardo, Inc., Tulungan ng Mangingisda ng Las Piñas, Inc. at Masayahing Mangingisda ng Bernabe, Inc., na tatanggap ng humigit-kumulang P3 milyong halaga ng proyekto bawat isa.

Dumalo sa pamamahagi si Mayor April Aguilar, kasama sina Dr. August Michael Basangan, OIC ng City Agriculture Office-Las Piñas; Noemi Lanzuela, Regional Director ng BFAR-NCR; at Pulanglupa Uno Chairman Guadalupe Rosales.

Sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila, ang Las Piñas ang nakatanggap ng pinakamaraming livelihood grants sa ilalim ng programa, ayon sa DA.