Bawang

DA: MSRP sa bawang nakakasa na

Cory Martinez Apr 1, 2025
20 Views

MAAARING ipatupad na rin ng Department of Agriculture ang maximum suggested retail price (MSRP) para sa bawang upang mapigilan ang pananamantala ng mga hoarders.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., habang kinukunsidera ng DA ang pagpataw ng MSRP sa bawang, mas matindi ang tutok ng DA sa presyo ng bigas at karne ng baboy.

Paliwanag ni Tiu Laurel, bagamat tinatalakay na ang mungkahi para sa pagpapataw ng MSRP sa bawang, kinakailangan munang pigilan ito matapos bumagsak sa tinatayang P100 ang presyo nito per kilo mula sa pinakamataas na P160.

Ang mataas na presyo doble sa pagtatayang P80 per kilo ng landed cost nito. Ang Pilipinas umaangkat ng tinatayang 95 percent ng bawang na nakukunsumo.

Batay sa kasalukuyang presyo, ikinukunsidera ito ng DA na rasonable at nananatiling naka-standby ang MSRP. Subalit kapag muling tumaas ng panibagong presyo, hindi malayong ituloy ng DA ang plano.

Mahigpit din na binabantayan ng DA ang presyo ng itlog upang masigurong hindi tataas sa hindi rasonableng lebel.

Tinukoy ni Tiu Laurel na ang pagtaas ng pangangailangan dahil sa paggasta sa eleksyon at pagkamatay ng mga manok dahil sa mainit na panahon na nakakadagdag sa pabago-bagong presyo.

“May mga ilan na nagmungkahing magpatupad kami ng MSRP sa itlog, subalit sa ibang mga bilihin tulad ng bigas at karne ng baboy, kailangan muna naming ikunsulta sa stakeholders upang hindi mayanig ang industriya,” aniya.

Noong Marso 31, mas binawasan ng DA ang MSRP sa imported na bigas sa P45 per kilo mula sa P49 na sumasalamin sa pandaigdigang pagbaba ng presyo ng bigas.

Para sa karne ng baboy, itinakda ng DA ang MSRP sa P380 per kilo sa liempo at P350 per kilo sa kasim at pigue.

Bagamat gumanda na ang pagsunod, hindi pa rin ito ang ideal na price level.