Korean

DA nakipag-ugnayan sa kompanya sa S. Korea para lumakas PH farm mechanization

Cory Martinez Apr 29, 2025
15 Views

NAKIPAG-ugnayan ang Department of Agriculture (DA) sa mga kompanya sa Korea upang mapalakas ang farm mechanization efforts ng Pilipinas.

Sa pagbisita kamakailan ng DA team sa pangunguna ni Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa Korea Agricultural Machinery Industry Cooperative (KAMICO) sa South Korea, tinalakay ang mga oportunidad sa paglalagak ng negosyo at policy coordination na may kinalaman sa planong 20-ektaryang Korea Agriculture Machinery Industry Complex sa Nueva Ecija.

“Ang proyektong ito ay may mahalagang papel upang matupad ang adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa modernong agrikultura sa Pilipinas na titiyak sa seguridad sa pagkain at mag-aangat sa buhay ng ating mga magsasaka,” ani Tiu Laurel.

Isa sa pangunahing isyung tinalakay sa pagbisita ay ang alok ng gobyerno na mga insentibo sa pamumuhunan para sa mga dayuhang investor, kabilang na dito ang tax holiday sa loob ng anim na taon at pagbawas sa corporate income tax rate mula 25 percent sa 20 percent para sa mga kuwalipikadong proyekto.

Humiling ang KAMICO ng follow-up meeting sa Department of Trade and Industry (DTI) sa Manila upang plantsahin ang mga detalye at i-assess kung paano makinabang ng husto sa mga insentibo.

Tinugunan din ng delegasyon ang usapin sa pagpapaupa ng lupa, partikular ang gastos sa pag-upa sa lugar sa Cabanatuan City.

Nangako ang DA na makikipag-ugnayan sila sa local government unit upang madetermina ang patas na rental fee na magiging katanggap-tanggap kapwa sa investors at pamahalaang lungsod, upang maging maayos ang implementasyon ng proyekto.

Samantala, isang hiwalay na pulong ang ginanap sa Tong Yang Moolsan (TYM), isang agri-machinery na kumpanyang nakabase sa South Korea, na mayroon ng 70 taong karanasan sa industriya.

Kilala ang TYM sa kanilang mga pasadyang tractors at modernong machinery solutions na angkop sa pangangailangan ng isang partikular na sakahan.

Pinuri ni Agriculture Undersecretary Jerome Oliveros ang kalidad ng produkto ng TYM at muling tiniyak ang pagbabago ng DA para sa “Fit-for-Purpose” na paraan nang pagbili alinsunod sa mga reporma sa ilalim ng New Government Procurement Act.

Sa halip na paboran ang mas mababang presyo ng supply, prayoridad ng DA ang mga makinarya na matibay, episyente at suportado ng malusog na after-sales service.

Iminungkahi ni Oliveros na kumuha ang TYM ng mga testimonya mula sa mga Pilipinong magsasaka na gumagamit na ng kanilang makinarya upang maibalik ang kumpiyansa sa mga biniling kagamitan ng gobyerno.

Hinimok ng DA ang TYM na gumawa ng mga makinarya para sa high-value crops tulad ng kape, cacao, sibuyas at niyog, habang ikinukunsidera ang magkakaibang lupa sa agrikultura.