PPA

DA pinuri PPA, BOC sa mabilis na pagpapalabas ng produktong agri

Cory Martinez Sep 24, 2024
82 Views

PINURI ng Department of Agriculture (DA) ang Philippine Ports Authority (PPA) at Bureau of Customs (BOC) sa mabilis na pagpapalabas ng mga imported na produktong agrikultura upang madagdagan ang suplay sa merkado at mapababa ang presyo.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., base sa datos, bagyo at iba pang weather disturbances ang ilan sa dahilan sa pagkabalam ng shipping at delivery ng mga naturang imported na produkto.

“The delay was caused by force majeure,” binigyang-diin ni Tiu Laurel.

Noong isang linggo, ibinunyag ng PPA na mahigit sa isang daang container van na naglalaman ng mga produktong pagkain kabilang na ang bigas matagal nang naka-imbak sa Manila ports dahil sa mga consignee dinedelay umano ang pagkuha sa mga ito.

Sinabi pa ni Tiu Laurel na makakatulong din sa DA ang close cooperation ng DA at PPA sa pagpapahusay ng pamamahala sa domestic food supply at pagsiguro sa food security.

“This would help improve our supply and price forecasting and avoid artificial shortages caused by product hoarding.,”dagdag pa ni Tiu Laurel.

Ibinunyag pa ni Tiu Laurel na plano ng DA na dagdagan ang mga requirement para sa import permit na iniisyu ng mga ahensya, partikular na ang Bureau of Plant Industry (BPI) at Bureau of Animal Industry (BAI) upang masiguro na madala agad sa mga bodega at maibenta agad sa merkado ang mga imported na produktong agrikultura.

Samantala, tiniyak ni PPA General Manager Jay Santiago ang pagbibigay ng suporta sa DA sa pamamagitan ng pagmamatyag sa mga food shipment.

Sinabi pa nig opisyal na dahil sa resulta ng inspection ng may 888 na “overstaying” na container van last week, umabot na sa 300 na container van ang kinuha na ng mga consignee ng mga ito. Inaasahan din ng PPA na marami pang mailalabas mula sa kanilang mga pantalan.

Ayon pa sa opisyal, simula Oktubre 1, magpapadala ang PPA ng ulat sa DA para sa mga overstaying imported na produktong agrikultura at hihiling sa BOC ang pagdeklara ng mga ito bilang abandoned para sa tamang disposition..

Sinabi naman ni DA assistant secretary and spokesman Arnel de Mesan na kahit na ang mga naturang container van naglalaman ng mga bigas, hindi naman nakaapekto ang presyo ng bigas sa merkado dahil ang volume nito maliit lamang ang porsiyento mula sa 3.9 milyong metriko tonelada ng imported na bigas kada taon na requirement ng bansa.