Calendar
Dagdag budget para sa Mindanao hiniling
DISMAYADO ang isang Muslim congressman matapos bawasan ng Department of Budget and Management (DBM) at National Economic Development Authority (NEDA) ang 2023 proposed budget na para sana sa Mindanao na matagal na umanong napabayaan.
Dahil dito, sinabi ni Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman na dapat magpaliwanag ang pamunuan ng DBM at NEDA kung bakit nabawasan ang 2023 proposed budget na nakalaan sana para sa Mindanao. Kung saan, sa halip na dagdagan ay tinapyasan pa ng malaki.
Binigyang diin ni Hataman na kailangang buhusan ng pondo ang Mindanao sapagkat masyado at napaka-tagal na aniyang napag-iiwanan ang kanilang lalawigan sa larangan ng pag-unlad. Subalit iginiit nito na hindi ganito ang nangyari para sa kanilang rehiyon.
“Alam naman natin na matagal ng napag-iiwanan ang Mindanao. Ilang panahon ng naghihirap ang aming lalawigan, ito na sana ang panahon para makatikim naman kami ng kaginhawahan. Pero hindi ganoon ang nangyari para sa 2023 proposed budget para sa Mindanao,” sabi nito.
Nananawagan si Hataman sa DBM at NEDA na dagdagan ang 2023 budget para sa Mindanao na gagamitin para sa “infrastructure projects” na nakalagay sa isinumiteng national budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Hataman, alinsunod sa itinatakda ng National Expenditure Program (NEP) na isinumite sa Kongreso, nakatikim ang Mindanao ng napakalaking pagtapyas mula sa budget nito. Dahil noong 2021 ay nakakuha ito ng P47.2 billion at P84.69 billion naman noong 2022 at nakakuha lamang ito ng P30.49 billion para sa 2023.
“Nitong mga nakaraang taon, malaki ang pondong inilaan para sa imprastraktura sa Mindanao. Kaya malungkot kami noong makita namin ang Mindanao budget para sa bagong proposed Budget. Ang laki-laki ng nabawasan sa pondo para sa Mindanao,” dagdag pa ni Hataman.
Iginiit ng Mindanao solon na kung hindi aniya kayang ibalik sa dati ang pondo para sa kanilang lalawigan ay maaaring huwag na lamang itong bawasan sapagkat batid ng lahat na napag-iiwanan na ang Mindanao dulot ng ilang dekadang digmaan at kaguluhan dito.