lacson

Dagdag na paliparan sa Mindanao pasok sa listahan ng Lacson-Sotto tandem

270 Views

TIYAK ang pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran sa mga lalawigan, tulad na lang ng M’lang Airport sa Mindanao, kung maipatutupad ang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) na plataporma ng tambalang Lacson-Sotto.

Ipinaliwanag ni presidential candidate Ping Lacson at vice presidentiable Tito Sotto ang programang ito sa kanilang pagbisita sa M’lang, Cotabato at pakikipagdayalogo sa iba’t ibang sektor.

“Kayang-kayang bigyan ‘yung North Cotabato bilang isang lalawigan (ng) P1-billion a year on top of IRA (Internal Revenue Allotment) para sa kanilang development at saka livelihood. Kaya. That’s only P81-billion. ‘Yung M’lang municipality… Ilan ang ating municipalities? 1,488. Kung bigyan natin ng tig-P100-milyon lamang kada taon para sa kanilang development, para sa livelihood, P148-billion,” ani Lacson.

Kasama rin nila si senatorial aspirant at dating Mindanao Development Authority (MinDA) Chairman Emmanuel ‘Manny’ Piñol na inihayag ang matagal nang M’lang Airport project na hindi umano ganap na napakikinabangan dahil sa painut-inot na pagbibigay ng pondo.

“Doon sana kayo lalapag kasi pwede na lapagan e. Kaya lang hindi pa recognized ng CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines) as an operating airport. Pero sa tulong po ninyo, ‘yon lang po ang aking ano, ang hingiin kong regalo sa inyo, sa inyong dalawa. Kapag nagtagumpay tayo ay ‘yon lang ang hihingin ko,” sabi ni Piñol sa running mates.

Malaki ang kumpiyansa ni Piñol na sa pamumuno nina Lacson at Sotto ay magkakaroon na ng katuparan ang matagal na niyang plano para magkaroon ng mas maayos na transportasyon sa rehiyon upang maihatid sa ibang mga lalawigan ang kanilang mga agrikultural na produkto.

“Bago ka tumanda hindi ‘yung bago ka mamatay. Kasi alam niyo development ‘yan e. Bakit hindi uubra? Dapat unahin natin ‘yung local government units (LGU). Ang problema, masyadong central ang ating control ng budget,” tugon ni Lacson sa hiling ni Piñol na matulungan siya sa kanyang mithiin para sa Mindanao.

Kung maipatutupad ang BRAVE, sinabi nina Lacson at Sotto na hindi na kailangan pang maghintay ng mga LGU sa programa ng mga national agency dahil magkakaroon na sila ng dagdag na pondo mula sa pambansang budget na mailalaan para sa mga development at livelihood project.

Paliwanag ng dalawang batikang senador, aabot sa P328-bilyong pondo ng pamahalaan ang hindi nagagamit o naaabuso kada taon. Kaya naman kung sila ang mamumuno sa ehekutibo bilang presidente at bise presidente ay tinitiyak nilang maibababa sa mga malalayong LGU ang pondong ito—dahil sila rin ang may karanasan sa pagsusuri ng pambansang budget bilang tungkulin sa Senado.

“Ang national government dapat ang papel lang parang big brother na lang, taga-tingin over the shoulders, titingnan kung tama at kung mali, tutulungan. At kung talagang mali pa rin at inaabuso, paparusahan. Ganoon dapat ang papel ng national government,” ayon kay Lacson.

Naniniwala sina Lacson at Sotto na dapat bigyan ng malawak at mas importanteng papel ang mga LGU mula sa barangay development council, city/municipal development councils, provincial hanggang Regional Development Council tungo sa mas maayos na paggastos ng pambansang budget, kaya naman prayoridad nila ang BRAVE na isa rin umano sa mga solusyon sa buhol-buhol na problema ng bansa.