Bigas

Dahil sa MSRP imported rice nagmura–DA

32 Views

MALAKING bawas sa presyo ng imported na bigas ang maximum suggested retail price (MSRP) at hindi masyadong naapektuhan ang industriya ng bigas.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., bago ipinatupad ang MSRP, ang presyo ng imported na bigas na may 5 porsiyentong durog na butil ibinebenta sa tinatayang P64 per kilo sa kabila ng bumabang pandaigdigang presyo.

Kinilala ng Philippine Statistics Authority ang MSRP na mahalagang dahilan sa pagbaba ng presyo ng bigas at nakatulong sa pagbagal ng inflation.

Nagsimula ang inisyatibo sa P58 per kilo at sa halos wala pang isang buwan, simula March 1, ibinaba pa ng DA sa P49 per kilo.

Iminungkahi ni Tiu Laurel na ang MSRP maaaring maibaba muli bago ang katapusan ng Marso kung patuloy na bumaba ang pandaigdigang presyo nito at mapanatili ng piso ang katatagan laban sa US dollar.

Naipatupad ang MSRP matapos ang konsultasyon sa stakeholders ng industriya upang masigurong hindi mabigla sa pagbawas sa presyo at hindi malagay sa panganib ang seguridad sa pagkain.

Nabuo ang inisyatibong ito upang ganap na maipatupad ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagtapyas sa taripa sa bigas mula sa 35% at ginawang 15%.

Bilang resulta, bumagsak sa pinakamababang lebel ang presyo ng bigas makalipas ang dalawang taon at ilan sa mga uri ng bigas naitala sa $400 kada metriko tonelada.

Tinukoy ni Laurel na ang landed cost ng magandang kalidad na bigas mula sa Vietnam–na may limang porsiyentong durog na butil–bumagsak sa tinatayang $490 kada metriko tonelada o mahigit na mura ng $200 kaysa noong Nobyembre 2024.

Tiniyak ng kalihim sa publiko na ang pagbagsak ng presyo ng bigas at mababang taripa hindi makakaapekto sa P30 billion taunang badyet na inilaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na sumusuporta sa mga lokal na magsasaka sa ilalim ng inamyendahang Rice Tariffication Law (RTL).