Tsino

Dahil sa overstaying, 3 Chinese huli

Jun I Legaspi Oct 25, 2025
288 Views

INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa tatlong Chinese nationals noong Biyernes dahil sa overstaying at paglabag sa mga batas sa imigrasyon sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nahuli ang mga Chinese ng mga tauhan ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI na sumita sa mga indibidwal habang tinatangkang sumakay ng eroplano patungong Incheon, South Korea.

Kinilala ang mga inaresto na sina Chen Shiwei, Pan Xin, at Wang Jianqiang.

Natuklasang overstaying na sina Chen at Pan mula pa noong 2024, habang si Wang ay dating empleyado ng isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nabigong umalis ng bansa matapos ipatupad ang pagbabawal sa POGO operations.

“Buong suporta ang Bureau of Immigration sa direktiba ng Pangulo kaugnay ng pagbabawal sa POGO. Patuloy kaming nagbabantay upang matukoy at maalis ang mga overstaying at undocumented foreign nationals na patuloy na lumalabag sa ating mga batas,” pahayag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Dagdag pa ng BI, kasalukuyang iniimbestigahan ang isang indibidwal na pinaghihinalaang tumulong sa tatlong banyaga.

Binigyang-diin ni Viado na nananatiling matatag ang Bureau sa pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon at sa pagtugis sa mga indibidwal na nagtatangkang sirain ang seguridad sa hangganan ng bansa.

“Nakatuon kami sa pananagutin ang mga lumalabag sa batas sa imigrasyon, pati na rin ang sinumang nagtatangkang tumulong sa kanila,” dagdag ni Viado.