Calendar
Dahil sa war-on-drugs campaign, natutong maging corrupt ang ilang tauhan ng PNP -Valeriano
TALIWAS sa pagbibida ng mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa di-umano’y naging tagumpay ng “war-on-drugs” campaign nito, pagdidiin ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano na dahil sa naturang kampanya ay natutong maging corrupt ang ilang miyembro nv Philippine National Police (PNP).
Sinegundahan ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang naging pahayag ng kapwa nito kongresista na ang bigong war-against-drugs campaign ng Duterte administration ay nagdulot lamang umano ng katiwalian sa hanay ng PNP at nagpalaganap ng impunity na nagresulta sa malawakang pang-aabuso sa karapatang pantao ng maraming biktima.
Iginiit ni Valeriano na papaano maipagmamalaki ang war-on-drugs campaign ng dating Pangulo kung napakaraming biktima ang sumisigaw ng hustisya habang marami naman miyembro ng PNP at nasentensiyahang makulong na sumunod lamang sa utos ni Duterte kaugnay sa naturang kampanya.
Para sa kongresista, tama ang naging pahayag ng kapwa nito mambabatas na matatawag na isang malaking kabiguan o “catastrophic failure” ang war-on-drugs campaign ng Duterte administration dahil nauwi lamang ito sa pagiging corrupt ng ilang tauhan ng PNP sa kabila ng ginagawang pagmamalaki ng mga supporters ni Duterte.
“Maipagmamalaki mo ba yung maraming inosenteng biktima ang napatay ng mga pulis? Maipagmamalaki mo rin ba at masaaabing tagumpay na dahil sa kampanyang ito ay maraming pulis ang natutong maging corrupt?,” ayon kay Valeriano.