Delima

Dating Sen. De Lima, Diokno malaking tulong sa House prosecution team — DML Ortega

58 Views

DioknoPINABORAN ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang posibleng pagsali nina dating Senador Leila de Lima at human rights lawyer Chel Diokno sa House prosecution team na magpapatunay sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte sa isasagawang impeachment trial ng Senado.

Ayon kay Ortega ang presensya nina De Lima at Diokno ay magdadala ng matinding lakas sa legal na aspekto at lalo pang magpapatibay sa kredibilidad at integridad ng pagpapanagot sa opisyal ng gobyerno.

“Hindi lang basta nadagdagan ang team: nadagdagan tayo ng dalawang boses na matagal nang lumalaban para sa human rights at rule of law. Malaking bagay ‘yung nandiyan sina incoming Rep. De Lima at Rep. Diokno, hindi lang sa legal na usapin, kundi sa moral na aspeto ng impeachment trial ni VP Duterte,” ani Ortega.

Si De Lima, na ngayon ay kinatawan ng Mamamayang Liberal Party-list, at si Diokno, na mauupo sa ilalim ng Akbayan Party-list, ay parehong kumasa sa imbitasyon ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez upang maging bahagi ng House prosecution panel para sa impeachment ni VP Duterte.

Sila ay kapwa kinikilalang mga eksperto sa batas at matagal nang kritiko ng mga pag-abuso sa karapatang pantao, kaya’t ang kanilang pagsama sa panel ay nagbibigay ng matinding bigat sa kaso.

“Sila ‘yung mga tunay na icons of justice natin kaya malaking bagay na pumayag silang maging bahagi ng House prosecution. This shows the kind of leaders we want on the frontlines: those who have spent their lives defending the Constitution,” dagdag ni Ortega.

Ayon pa kay Ortega, ang pagsama nina De Lima at Diokno ay hindi lamang simboliko kundi isa ring estratehikong hakbang na lalo pang magpapatibay sa kaso ng Kamara laban kay Duterte.

“Ang malinaw dito: hindi ito laban ng kulay o partido. Laban ito ng katotohanan at pananagutan,” aniya.

Binanggit din ni Ortega na ang impeachment trial ay hindi na lamang isang prosesong politikal, kundi isang pambansang kilusan para sa katotohanan, hustisya, at pananagutan.

“This is justice in full force. Nagpapadala tayo ng mahalagang mensahe: walang exempted sa rule of law, kahit sino pa ang nasasangkot,” sabi pa ng mambabatas.

Si De Lima ay dating senador at kalihim ng Department of Justice na nakulong sa halos buong panahon ng administrasyon ni Duterte na kalauna’y napatunayang walang sala sa lahat ng kasong may kinalaman sa droga.

Si Diokno naman ay isang batikang human rights lawyer at legal educator na kilala sa kanyang dekadang adbokasiya sa pamamagitan ng Free Legal Assistance Group (FLAG).

“They are considered legal heavyweights, kaya masuwerte tayo at naging bahagi sila ng House of Representatives,” ani Ortega.

Pinuri rin niya ang desisyon ng liderato ng Kamara na buksan ang prosecution team sa mga mambabatas na hindi kabilang sa majority bloc.

“Napakaganda ng mensaheng ito: kung may paninindigan ka, may lugar ka sa laban para sa tama,” ayon kay Ortega.

“Their presence assures the public that the proceedings will be grounded in legal merit and constitutional fidelity. We want the people to see that this isn’t a show, and that it’s a serious legal undertaking with serious consequences,” dagdag pa niya.

Ang impeachment trial ay nag-ugat sa mga alegasyon ng maling paggamit ni VP Duterte ng kanyang confidential funds na umaabot sa kabuuang P612.5 milyon ang halaga at pagbabanta umano kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa isang online press conference—mga maituturing umanong pagtataksil sa tiwala ng publiko.