Calendar
DBM kumpiyansa na mapopondohan dagdag pensyon ng senior citizens
KUMPIYANSA ang Department of Budget and Management (DBM) na mahahanapan ng Kongreso ng pondo ang dagdag na pensyon ng mga mahihirap na senior citizens.
Ayon kay DBM Undersecretary Tina Rose Marie Canda hindi na naisama ang kinakailangang P24.5 bilyong pondo dahil natapos na ang paggawa ng budget bago pa naging batas ang panukala.
Sa ilalim ng panukala ay gagawin ng P1,000 ang buwanang pensyon ng mga mahihirap na senior citizen mula sa kasalukuyang P500.
Sinabi ni Canda na maaaring kumuha ang Kongreso ng pondo mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mapunan ang kinakailangang pondo at maipatupad ang bagong batas.
Magsusumite umano ang DBM ng listahan ng utilization rate ng mga ahensya at mula dito ay maaaring matukoy ng Kongreso kung anong mga ahensya ang maaaring bawasan ang pondo.
Ang utilization rate ay ang kakayanan ng ahensya na gamitin ang pondo na ibinigay sa kanila ng Kongreso sa kanila sa pagpapatupad ng programa ng pamahalaan.
Noong Lunes isinumite ng DBM kay Speaker Martin G. Romualdez ang 2023 National Expenditure Program (NEP) na nagkakahalaga ng P5.268 trilyon.