Barbers

Death penalty muling binuhay ni Cong. Ace Barbers bunsod ng talamak na kriminalidad

Mar Rodriguez Aug 24, 2022
252 Views

Pagbuhay ng death penalty isinusulong

BUNSOD nang lumalaganap na kriminalidad sa bansa, muling binuhay ng isang Mindanao congressman ang pagpataw ng parusang kamatayan o “death penalty” laban sa sinomang indibiduwal na nakagawa ng “heinous crime” o karumaldumal na krimen.

Naninindigan si Surigao del Sur 2nd Dist. Cong. Robert Ace Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang “reimposition” o ang muling pagbuhay sa parusang kamatayan ang tunay na makakapigil sa talamak na serye ng krimen o isang “crime deterrent” laban sa kriminalidad.

Inihain ni Barbers ang isang panukalang batas sa Kamara de Represenatantes na muling bumubuhay sa parusang kamatayan laban sa mga criminal na hindi aniya natatakot at malalakas ang loob na gumawa ng krimen sa mga inosenteng indibiduwal.

“Iyong death penalty I personally believe that we impose capital punishment for that matter duon sa mga heinous crimes. I think it would be a strong deterrent to the commission of all these crimes. Nakikita ko na hindi natatakot ang mga criminal kaya dapat siguro ay ipataw na natin ang death penalty laban sa heinous crimes,” paliwanag ni Barbers.

Sinabi ni Barbers na mayroong ginawang pag-aaral sa Europe at United States of America (USA) na nagsasabing nabawasan ang mga kaso ng kriminalidad sa ilan sa kanilang mga estado (Europe at USA) bunsod ng pagpataw ng “death penalty” laban sa “heinous crimes”.

Gayunman, nabatid din sa Mindanao solon na may ilang estado rin naman ang nagsasabing hindi nagbago o hindi nabawasan ang mga kaso ng “heinous crimes” sa kanilang lugar matapos ipataw ang parusang kamatayan laban sa mga kriminal.