Quimbo Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo

DepEd mas mabilis gumastos ng confi fund kesa bumili ng pangangailangan ng paaralan

82 Views

Sa ilalim ni VP Sara

MAS mabilis gumastos ng confidential fund ang Department of Education (DepEd) noong pinamumunuan ito ni Vice President Sara Duterte kesa sa paggamit nito ng pondo na nakalaan para mapaganda ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Ito ang napansin ni Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo sa pagtalakay ng House Appropriations committee sa panukalang budget ng DepEd para sa 2025.

Ayon kay Duterte, ang confidential fund ng DepEd sa unang tatlong quarter ng 2023 na nagkakahalaga ng P112.5 milyon ay 100 porsyentong na-utilize o nagastos sa loob ng 190 araw kaya mayroon itong 143 porsyentong efficiency rate.

Malayo umano ito sa 2023 report ng Commission on Audit (COA) na nagsabi na mahigit P37 bilyon lamang o 5.13 porsyento ng P735.39 bilyong budget ng DepEd ang nagastos.

“So ang efficiency pag dating sa spending ng confidential funds ay 143 percent. Congratulations po pero pag dating sa regular funds, napakabagal po,” sabi ni Quimbo.

Ayon sa COA, ang mababang utilization rate ng DepEd noong 2023 ay bunsod ng delayed, partial, at non-implementation ng iba’t ibang programa, proyekto, at aktibidad.

Kasama umano sa mababang utilization rate ang DepEd Computerization Program na nagpalala sa krisis sa edukasyon ng bansa at nagpahina sa pagiging competitive ng mga Pilipino sa paghahanap ng trabaho.

“In a world that is flat, they have to compete globally. Kung kulelat tayo, hirap tayo. Hirap silang mag compete, yun ang kinakaharap ng ating Kalihim, ng buong Kagawaran, kaya kelangan natin tulungan ang DepEd,” sabi ni Quimbo.

“May crisis. We cannot waste funds, we cannot waste time. Those are the two things. Pero pag dating sa COA reports, isa sa pinakamalaking findings ng COA report in 2023, ay low utilization. Ibig sabihin mabagal ang paggastos at may natitirang pondo, so wasted funds, wasted time,” dagdag pa nito.

Pinuna rin ni Quimbo ang accomplishment report ng DepEd na nagsasabi na nakabili ito ng 44,638 Information and Communications and Technology (ICT) packages samantalang hindi pa nadi-deliver ang mga ito.

Sa paliwanag ni Ferdinand Pitagan, DepEd director para sa Information and Communications Technology Service (ICTS), kasama sa ipinambili ng 44,638 ICT packages ay pondo noon pang 2021.

Sinabi ni Pitagan na ang mga ICT packages ay maidi-deliver na bago matapos ang taon na ikinalungkot naman ni Quimbo.

Kahit na ang bagong talagang si Education Secretary Sonny Angara ay nagulat na mahigit 1.5 milyong laptop, libro, furniture, at iba pang school item ang nakatago sa warehouse sa nakalipas na apat na taon.

Sinabi ni Angara na hiningi na nito ang tulong ng Armed Forces of the Philippines upang mapabilis ang delivery ng mga nakatambak na gamit sa pag-aaral.

Ayon kay Angara, ikinokonsidera nito ang pagpapatupad ng pagbabago sa procurement process ng ahensya upang mapabilis ang delivery ng mga biniling gamit gaya ng pagsasagawa ng bidding process sa regional at division levels.