Bitrics Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro

DepEd sa ilalim ni VP Sara bigong maipamahagi P9B halaga ng laptop

123 Views

NABIGO ang Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte na maipamahagi ang halos P9 bilyong halaga ng laptop at iba pang e-learning equipment noong 2023.

Sa pagdinig ng panukalang budget ng DepEd para sa 2025, kinumpirma ng direktor ng Information and Communications Technology Service (ICTS) ng ahensya ang ulat ng Commission on Audit (COA) na noong 2023, ang nagastos ng ahensya ay P2.18 bilyon lamang sa P11.36 bilyong budget nito para sa computer, laptop, smart television set at iba pang e-learning equipment.

Si Director Ferdinand Pitagan ay tumutugon sa tanong ni Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro, kaugnay ng 19.22 porsiyentong utilization rate sa ICT package ng DepEd.

“Now, we have this P11 billion budget. You requested this for 2023. Bakit ang disbursement niyo ay P2 billion lang?” tanong ni Luistro.

Ipinaliwanag ni Pitagan na konti lang ang nagalaw na pondo noong 2023 dahil nakatuon ang atensyon noon ng DepEd sa paggastos sa 2022 budget nito.

“It’s hard for me to appreciate the explanation that your priority is continuing, which is the budget from 2022,” sabi ni Luistro.

“Why, therefore, did you request for P11 billion for 2023 if you’re going to say now that your priority is 2022, that’s why you didn’t use the 2023? You know, Mr. Resource Speaker, doon po sa amin sa Batangas, hindi po magkamayaw ang humihingi ng tulong na students, teachers and even PTA officers, lahat ang problema nila ay computers, laptops,” dagdag pa ng solon.

Sa pagtatanong ni Luistro, sinabi ni Pitagan na ang kasalukuyang student to computer ratio ay 1: 9 at ang teacher to computer ratio ay 1:30.

“That is almost saying impossible to facilitate an e-learning system having one computer for 30 teachers,” sabi ni Luistro, na iniugnay ang delay sa mga delivery sa mababang performance ng Pilipinas sa global learning test na PISA o ang Programme for International Student Assessment.

Sinabi ni Luistro na nanatiling mababa ang lebel ng estado ng edukasyon sa bansa sa nakalipas na limang taon. Noong 2018, sa 79 bansa ay panghuli ang Pilipinas sa Reading at ikalawa sa pinakamababa sa Science at Mathematics. Noong 2023, sa 81 bansa ang Pilipinas ay pang-76 sa Reading at Mathematics, at 79 sa Science.

Ipinunto rin ni Luistro na sa bilis ng pagbabago ng teknolohiya o ICT ay mabilis ma-obsolete ang mga binibiling computer kaya dapat ay bilisan ang pagbili.

Batay sa 2023 COA report, ang DepEd Computerization Program (DCP) ay mayroon lamang 50.07 porsiyentong utilization rate at zero accomplishment noong 2023.