DFA

DFA pinagpapaliwanag Chef de mission ng China ukol sa pinakabagong ´pambu-bully´

Edd Reyes May 2, 2024
128 Views

IPINATAWAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Deputy Chef de Mission ng Chinese Embassy na si Zhou Zhiyong para pagpaliwanagin sa panibagong karahasang laban sa mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc noong Abril 30, 2024.

Nagprotesta ang Pilipinas dahil sa ginagawang panggigipit, panghaharang, pagkanyon ng tubig, pagbangga at delikadong pagmamani-obra ng mga dambuhalang barko ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na patungong Bajo de Masinloc.

Nagdulot ng malaking pinsala sa barko ng PCG at BFAR ang mapanganib na pagsalakay ng mga barko ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia, partikular sa ginawang pag-kanyon ng tubig.

Ayon sa DFA, kinakailangan na agarang lisanin ng mga barko ng China ang Bajo de Masinloc at sa paligid nito na teritoryo ng bansa sa lalong madaling panahon.