Calendar
Di bababa ng 2 PSHS sa bawat rehiyon titiyakin
SIMULA sa pagpapatupad ng bagong batas, inaasahang ang bawat administratibong rehiyon sa Pilipinas ay magkakaroon ng hindi bababa sa dalawang campus ng Philippine Science High School (PSHS), ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Ito ay matapos pagtibayin ng Senado ang Expanded Philippine Science High School System Act—isang panukalang naglalayong palakasin at palawakin ang PSHS system sa ilalim ng pamamahala ng Department of Science and Technology (DOST). Pinag-isa ang mga probisyon ng Senate Bill No. 2974 at House Bill No. 9726 sa nasabing batas.
Isinaad sa panukala na dapat may dalawang campus sa bawat rehiyon, ngunit hindi maaaring pareho ang mga ito sa iisang lalawigan. Para naman sa National Capital Region, hindi rin maaaring parehong nasa isang lungsod ang mga campus.
“Sa pagtatatag natin ng mga Philippine Science High School campuses sa bawat rehiyon sa bansa, maihahatid natin sa mas maraming mga kabataan ang pagkakataong makatanggap ng dekalidad na edukasyon sa science, technology, engineering, at mathematics. Mahalaga ito dahil magsisilbi itong pundasyon sa pagsulong ng inobasyon sa ating bansa,” binigyang-diin ni Senador Gatchalian, na isa sa mga pangunahing nagsulong ng batas.
Sa kasalukuyan, mayroong 16 na campus ng PSHS sa bansa. Sa pamamagitan ng pagpapalawak na ito, layunin ng pamahalaan na mas maraming kabataang may potensyal sa STEM ang mabigyan ng pagkakataon—isang hakbang patungo sa mas matatag na kinabukasan para sa agham at teknolohiya sa Pilipinas.