Sara

Di pagpapaliwanag ni VP Sara sa nakatanggap ng confi fund ‘betrayal’

34 Views

MALINAW umanong betrayal of public trust ang pagkabigo ni Vice President Sara Duterte na maipaliwanag ang mga kuwestyunableng pangalan na binigyan nito ng kanyang confidential fund, ayon sa isang miyembro ng House impeachment prosecution team.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Lorenz R. Defensor ng ikatlong distrito ng Iloilo, maraming pagkakataong sinayang si Duterte para maipaliwanag ang ginawang paggamit ng kanyang confidential fund na may kabuuang halagang P612.5 milyon sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dati nitong pinamunuan.

“That’s exactly one of the reasons why this impeachment complaint proceeded,” ito ang sinabi ni Defensor sa mamamahayag na si Karen Davila sa isang panayam nitong Miyerkoles.

Nang matanong kung hayagan bang tumanggi si Duterte na sagutin ang mga tanong, tugon ni Defensor: “That’s right. That makes it even worse because it violates your oath on accountability on public trust. It’s a clear betrayal of public trust.”

“Because if only she (Duterte) attended the hearings of the House Committee on Good Government and answered how these acknowledgment receipts were made, if there were true recipients of the P612.5 million spent in intelligence and confidential funds, hindi na sana nagtuloy-tuloy pa itong impeachment,” punto niya.

Ang kaniyang pahayag ay kasunod ng pagsisiwalat ng ilang mambabatas sa bagong mga kuwestyunableng pangalan na nakalista na tumanggap ng confidential fund ng DepEd gaya nina “Amoy Liu,” “Fernan Amuy,” at “Joug De Asim.”

Ang naturang mga pangalan ay bahagi ng tinawag na “Team Amoy Asim,” na kasama rin sa binsansagang “Budol Gang” ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na mga nakinabang umano sa confidential fund ni Duterte.

“Una, may chichirya, may cellphone, at may prutas. Sumunod ang ‘Dodong Gang.’ Ngayon naman, nandito na ang ‘Team Amoy Asim,’” ani Ortega

“Kung sa listahan pa lang ay maasim na ang dating ng pekeng mga pangalan, paano pa kaya sa mga transaksyon mismo?” tanong niya.

Ang mga pangalan na ito ay dumagdag sa humahaba nang listahan ng mga pangalang isinumite para bigyang katwiran ang ginamit na milyong pisong confidential fund ng DepEd.

Bukod sa pinakasikat na si “Mary Grace Piattos,” ilan pa sa “Budol Gang” sina “Renan Piatos,” “Pia Piatos-Lim,” “Xiaome Ocho,” “Jay Kamote,” “Miggy Mango,” at limang indibidwal na may pangalan na “Dodong” ang mga benepisyaryo umano ng confidential fund naman ng Office of the Vice President.

Ayon kay Ortega walang record ng kapanganakan, kasal o kamatayan sina Liu, Amuy, at De Asim batay sa datos ng Philippine Statistics Authority(PSA).

Ang naturang mga pangalan ani Ortega ay isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (CoA).

Sa 1,992 na nakatanggap ng confidential funds ng OVP, 1,322 ang walang record ng kapanganakan, 1,456 ang walang record ng kasal, at 1,593 ang walang record ng kamatayan

Nauna nang isiniwalat ni Manila Rep. Joel Chua, tagapangulo ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na 405 sa kabuuang 677 pangalan na nakatanggap umano ng confidential fund ng DepEd sa ilalim ni Vice President Duterte ang walang record ng kapanganakan na isang indikasyon na ang mga pangalan ay pineke.

“Remember that there is a joint memorandum circular on how to liquidate the confidential and intelligence funds,” saad ni Defensor.

“And if the Department of Education as well as the OVP attended, told the truth and may be transparent in the questions of the committee, maybe this would not have reached this process,” sabi ni Defensor. “But they kept evading their answers. And until now, it seems that they still don’t have any answer. They continue to evade answering that, even the VP herself.”

Wala pang pormal na paliwanag si Duterte. Sa pinakahuling panayam sa kaiya sa The Hague, tumanggi siyang patotohanan ang naturang record dahil sa posibleng isyu na umano sa chain of custody.

Inaasahang pormal na magpupulong ang Senado bilang impeachment court sa Hunyo kaugnay ng gagawing paglilitis kay Duterte.

“If they told the truth, if they cooperated with Congress and answered our questions, maybe we wouldn’t be here. But they didn’t—and that’s why we are,” ani Defensor.