Gatchalian

Digital transfomation sagot ng gobyerno vs korapsyon

322 Views

BUNSOD ng patuloy na paglaganap ng katiwalian sa gobyerno, sinabi ni Senador Win Gatchalian na isusulong niya ang pagsasabatas ng makabagong paraan ng financial transformation sa gobyerno, kabilang ang pangongolekta ng mga bayaring buwis upang matiyak ang transparency.

“Hindi na kailangan pang pumunta sa mga tanggapan ng pamahalaan at pumila. Dito nagsisimula ang problema. Basta may pila sa mga transaksyon sa gobyerno, asahan na natin na may mga fixer at alam niyo na kung ano ang nangyayari kapag may mga fixer,” sabi ni Gatchalian.

“Lahat ng transaksyon sa gobyerno o koleksyon nito ay dapat paperless na o sa pamamagitan ng electronic na paraan. Napapanahon na para simulan natin ang digital transformation sa lahat ng serbisyo ng gobyerno,” dagdag pa niya.

Panahon na rin, ayon sa senador, na manumbalik ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa mga nasa gobyerno at itaguyod ang dignidad ng mga lingkod-bayan.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan bilang paraan para matugunan ang mga napabalitang pangingikil at iba pang mga kasong katiwalian na kinasangkutan ng ilang umano’y tiwaling tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Nakabinbin sa Senado ang panukalang “Full Digital Transformation Act of 2020” kung saan co-author si Gatchalian. Mandato nito na gawing electronic mode ang transaksyon sa lahat ng ahensya ng gobyerno, government-owned and controlled corporations (GOCCs), at maging sa local government units (LGUs) upang mas mapabilis ang proseso ng transaksyon, batay na rin sa Republic Act 11032 o Ease of Doing Business at Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

“Sa ganitong paraan, makatitiyak tayo ng mabilis at mahusay na paraan ng mga transaksyong pinansyal at masisiguro pa ang convenience at transparency ng publiko sa pagsasagawa ng kanilang transaksyon sa mga ahensya ng gobyerno. Kaya ang mawawalan ng kita ay ‘yung mga tiwaling kawani ng gobyerno,” pagtatapos ng senador.