Crisologo

Distrito Uno niyanig ng grand kick-off rally ng ‘Malayang Quezon City’

Mar Rodriguez Apr 5, 2022
240 Views

NIYANIG ng “Malayang Quezon City” campaign team sa pangunguna ni QC Mayoralty Candidate AnaKalusugan Party List Rep. Michael “Mike” T. Defensor at 1st Dist. QC Rep. Anthony Peter “Onyx” Crisologo ang Distrito Uno matapos magkaroon dito ng isang “grand kick-off rally” kamakailan.

Kabilang sa mga kandidato ng Malayang QC Campaign Team ay sina Coun. Winston “Winnie” Castelo na tumatakbong Vice-Mayor, Coun. Nicole Ella “Nikki” Crisologo, Bong Vinsons, Johnny Nieto, Jun de Leon, Drid de Castro at Loleng Carandang na candidato naman sa pagka-Konsehal ng Distrito Uno.

Bagama’t wala sa okasyon sina dating Senador at Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, at Davao City Mayor Vice-Presidential Candidate Inday Sara Duterte. Sinabi naman ni Crisologo na dinadala at sinusuportahan ng kanilang team ang kandidatura nina Marcos at Duterte sa ilalim ng UniTeam.

Sa kaniyang talumpati sa harap ng libo-libong katao na dumalo sa nasabing pagtitipon, sinabi ni Crisologo na magpapatuloy ang kaniyang serbisyo sa Distrito Uno sa pamamagitan ng mga proyektong nakakatulong para maiangat ang kalidad ng pamumuhay ng mga tao.

“Sa pangalawang pagkakataon, sisikapin po natin na mas mapahusay pa ang ating serbisyo dito sa Distrito Uno. Magpapauloy po ang ating paglilingkod sa tulong at suporta ninyo, kaya nananawagan kami sa inyo na suportahan po ninyo ang Malayang QC team,” ayon kay Crisologo.

Ipinaliwanag din ng kongresista na mas magiging tagumpay ang kampanya ng Malayang QC Team kung susuportahan din ng mga residente ng Lungsod ang kandidatura nina Marcos at Duterte para sa isang progresivo at maunlad na pamahalaan.