Ortega House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

DML Ortega: Pagbisita ng US Defense chief magpapa-igting sa kooperasyong pangdepensa ng PH at US

36 Views

IKINALUGOD ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang kauna-unahang pagbisita ni US Defense Secretary Pete Hegseth sa Pilipinas, na lalo umanong magpapatibay sa kooperasyon ng dalawang bansa, sa gitna ng mga kinakaharap na hamon sa seguridad ng rehiyon.

Binigyang-diin ni Ortega, na ang lalawigang kinakatawan ay nakaharap sa West Philippine Sea, ang kahalagahan ng pagbisita ni Secretary Hegseth lalo na sa panahon na mataas ang tensyon sa Indo-Pacific region, kasama ang South China Sea.

Binigyang halaga niya ang malapit na kolaborasyon ng Manila at Washington sa pagtugon sa mga umuusbong na banta sa seguridad at pagprotekta sa soberanya.

“Ang pagbisita ni Secretary Hegseth ay napakahalaga para sa ating bansa dahil ipinapakita nito ang matibay at patuloy na pagtutulungan ng Pilipinas at Estados Unidos,” ani Ortega.

“Sa gitna ng mga hamon na kinakaharap natin, partikular sa West Philippine Sea, mahalagang lalo pa nating paigtingin ang ating kooperasyong pangseguridad,” dagdag pa niya.

Bahagi ng pagbisita ni Secretary Hegseth ang high-level na pulong kasama ang mga opisyal ng Pilipinas na nakatuon sa pagpapaigting ng defense cooperation at pagpapalakas sa maritime deterrence strategies.

Bahagi ng agenda ang pinagsamang pagpapatrolya sa katubigan at pinalakas na interoperability sa pagitan ng sandatahang lakas ng Pilipinas at US, na kapwa mahalagang hakbang para labanan ang patuloy na panghihimasok sa katubigan ng Pilipinas.

Makailang ulit nang inihahayag ni Ortega ang mga hamon sa seguridad partikular ang madalas na pagpasok ng mga barko ng China sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Kasama sa mga insidente ay kinasasangkutan ng mga sasakyang pandagat ng Chinese maritime militia na dahilan para palakasin ang maritime security defense capabilities.

“Samantalang patuloy tayong nagpapatupad ng independent foreign policy—na ang sandigan ay ang prinsipyong ‘Pilipinas para sa mga Pilipino,’ bukas tayo sa mga usapang pangseguridad sa pagitan ng mga bansa at kaalyado. Ito ay nagmumula sa paniniwalang kailangang magtulungan ng mga bansa para siguruhing maging ligtas at napoprotektahan ang soberanya ng bawat nasyon,” giit pa ni Ortega, na isang masugid na suporter ng Team Pilipinas.

Tiniyak ni Ortega na ang Kamara de Representantes, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ay aktibong susuportahan ang mga pagsisikap sa kooperasyong pangdepensa sa pamamagitan ng pagpasa ng kinakailangang batas, gaya na lamang ng inisyatiba para pahusayin ang mga kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), paglalaan ng sapat na pondo para sa defense modernization, at pagpapalakas ng mga istruktura para sa maritime surveillance at defense.

“Responsibilidad nating tiyakin na may sapat na batas at pondo upang mapalakas ang kakayahan ng ating sandatahang lakas,” sabi ni Ortega. “Kailangan nating matiyak na ang ating bansa ay handa laban sa anumang banta sa ating seguridad at soberanya.”

Nagpahayag ng kumpiyansa si Ortega sa muling pagkilala ni Hegseth sa “ironclad” commitment ng Estados Unidos sa 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) na lalo umanong magpapalakas sa posisyong pangseguridad ng bansa.

Nananatili aniya itong kritikal na sandigan ng relasyon ng Pilipinas at US, at isa sa pundasyon ng pambansang depensa sa gitna ng nagbabagong geopolitical na realidad.

“Ang matibay na suporta mula sa ating matagal nang kaalyado ay nagbibigay sa atin ng higit na kumpiyansa at seguridad sa ating pagtatanggol ng pambansang teritoryo,” dagdag ni Ortega.

“Habang pinoprotektahan natin ang ating mga karapatan sa West Philippine Sea, mananatili tayong bukas sa mapayapa at diplomatikong paraan ng pagresolba ng anumang gusot sa rehiyon,” pahayag ng mambabatas.

Nanawagan din si Ortega sa mga Pilipino na aktibong makibahagi sa pagbibigay ng proteksyon sa soberanya ng bansa.

Aniya, bagaman mahalaga ang pagsisikap ng gobyerno, importante rin ang pagkakaisa ng bansa at kolektibong pagbabantay para tugunan ang mga panglabas na hamon.

“Hindi lamang tungkulin ng gobyerno ang pagtatanggol sa ating soberanya kundi obligasyon ng bawat Pilipino,” diin pa ni Ortega. “Kaya’t inaanyayahan ko ang bawat isa na maging aktibo at mapagbantay. Sa sama-sama nating pagkilos, walang hamon ang hindi natin kayang lampasan.”