Pic Courtesy ng DOE FB

DOE suportado pagluwag sa economic Charter provisions, 1.5M trabaho malilikha sa RE sector

Mar Rodriguez Feb 29, 2024
168 Views

SUPORTADO ng Department of Energy (DOE) ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution upang pumasok sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan.

Ayon sa DOE inaasahan na aabot sa 1.5 milyong trabaho ang malilikha sa renewable energy (RE) sector dahil sa mga bagong kontrata na natapos noong 2023. Kapag pinayagan na umano ang 100% foreign ownership sa RE sector ay inaasahan na mas marami pang trabaho ang malilikha.

Sa ikatlong araw ng pagdinig ng House committee of the whole sa Resolution of Both Houses No. 7 noong Miyerkoles, sinabi ni DOE Undersecretary Sharon Garin na mayroong 357,459 katao na nagtatrabaho sa RE sector noong 2022.

Batay sa datos na ito, ipinaliwanag ni Garin na nakalilikha ng 10 direct jobs at 30 indirect jobs sa bawat megawatt (MW) na nalilikha.

“[The] estimated direct and indirect job generation for 2023 new contracts based on potential capacity is at least 1.5 million positions,” sabi ni Garin.

Mayroon din umanong mga dagdag na trabahong nalikha sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa mga pantalan, power transmission at pagmimina, partikular ang Vanadium na isang sangkap na ginagamit sa paggawa ng space vehicle, nuclear reactor, aircraft carrier, at iba pa.

“Other than investments in the development of [RE], other components that will come in because of the trillions of investment from foreign investors is port development. We will need at least 10 new ports in order to cater to offshore wind projects,” ani Garin.

“In mining, the battery components include rare earth metals from our indigenous resources, including Vanadium and Scandium (an aluminium-scandium alloy used in Russian MIG fighter planes, high-end bicycle frames, and baseball bats). The additional transmission lines, including a newly proposed smart green grid, will require more copper,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Garin na mayroong mga dayuhang mamumuhunan na nagpaplano na magtayo ng mga planta sa bansa para sa turbine at semiconductor controllers.

Ayon sa opisyal lumaki ang dayuhang pamumuhunan sa RE sector mula ng payagan ang 100% foreign ownership rito.

Sa 400 panukalang kontrata para sa RE, sinabi ni Garin na inaprubahan ng gobyerno ang 275 service contract applications para sa 39,000 gigawatts (GW) capacity na nagkakahalaga ng P8 trilyon.

“A few months after the amendment of the renewable energy IRR (implementing rules and regulations), CIP or Copenhagen Infrastructure Partners became the first foreign investor to be granted site exclusivity in the Philippines to develop a renewable energy project. [In] March 2023 a few months after issuance of the new IRR, it became the first 100% foreign-owned company to be awarded renewable energy service contract in the country,” sabi ni Garin.

“CIP is investing $5 billion to develop three offshore wind energy projects in the Philippines with potential capacity of 2,000 MW or 2 GW: 1,000 MW in Camarines Norte and Sur, 650 MW in Northern Samar, and 350 MW in Pangasinan and La Union. It will create 4,500 jobs, generate enough power to supply 1 million households, and offset 2.9 million tons of CO2 emissions per year,” dagdag pa nito.

Noong 2023, inaprubahan ng BOI ang nasa 52 power projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa na may kabuuang 4.7GW capacity at 1 trilyong kabuuang project cost.

Ayon pa kay Garin 80% ng halos P1.3 trilyon foreign direct investment na nakarehistro sa BOI noong 2023 ay mga energy project.

Binanggit ni Garin ang Triconti ECC partnership, isang Swiss-German-Filipino joint venture na lilikha ng 1.6 GW ng offshore wind capacity sa Luzon at Visayas, na inaasahang lilikha ng 3,600 direct at indirect na trabaho.

Sinabi ni Garin na ang Pilipinas ang ika-apat sa pinaka attractive na bansa para sa green energy investment sa listahan ng 110 bansa.

Iginiit ni Garin ang kahalagahan sa lipunan ng pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa na mayroong bitbit na mga bagong teknolohiya bukod sa pondo.