Martin Speaker Ferdinand Martin Romualdez

DOH tutulong na mabayaran doctor’s fee ng mahihirap na pasyente

59 Views

NANGAKO ang Department of Health (DOH) na tutulungan ang mga mahihirap na pasyente na mabayaran ang professional fee ng mga doktor sa pamamagitan ng Guarantee Letters (GL) sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Individuals Program (MAIFIP).

Sa pakikipagpulong nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at House committee on appropriations chairman Elizaldy Co sa mga opisyal ng DOH sa pangunguna ni Health Secretary Ted Herbosa, napagkasunduan na isama sa coverage ng GL ng MAIFIP ang doctor’s fee.

“I know how crucial this inclusion is for many of our fellow Filipinos who are struggling with the cost of healthcare,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan.

“And good news po sa ating mga kababayan, we have successfully secured a commitment from the DOH to cover the professional fees of doctors under MAIFIP. Wala nang dapat ipangamba ang mga pasyente pagdating sa karagdagang gastos sa professional fees,” dagdag pa nito.

Iginiit ni Speaker Romualdez na ang layunin nito ay gawing accessible at abot-kaya ang pagpapagamot para sa lahat ng Pilipino ano man ang sitwasyong pinansyal nito sa buhay.

“Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera para makakuha ng tamang lunas at serbisyong medikal. With this change, we are one step closer to ensuring that healthcare is truly free from start to finish,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Nangako ang lider ng Kamara na ipagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyenro para magkaroon ng magandang kinabukasan ang bawat Pilipino.