Calendar
DOT, DOTr may libreng sakay sa LET-1 Nov. 9,11, 13
TINATAYANG aabot sa halos kalahating milyong pasahero ang makikinabang sa inisyatibong “Libreng Sakay” ng Department of Tourism (DOT) at Department of Transportation (DOTr), na mag-aalok ng libreng biyahe sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa Nobyembre 9, 11, at 13, 2026.
Magiging available ang mga libreng biyahe sa 25 istasyon ng LRT-1, mula sa Fernando Poe Jr. (FPJ) Station sa Quezon City hanggang sa Dr. Santos Station sa Parañaque City, at pabalik. Maaaring mag-avail ng libreng sakay sa LRT-1 sa mga oras na 7:00 AM hanggang 9:00 AM at 5:00 PM hanggang 7:00 PM.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng mga paghahanda ng pamahalaan para sa pagiging host ng Pilipinas sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at mga kaugnay na pagpupulong.
“Ang utos po ng ating Mahal na Pangulo, dapat maramdaman ng ating mga kababayan ang tunay na benepisyo ng ASEAN hosting. Sa pamamagitan po ng libreng sakay sa LRT-1, kahit po papaano, makatutulong tayo sa ating mga kababayan na maibsan ang kanilang gastusin sa pamasahe, habang ipinapakita natin sa kanila ang kahalagahan ng ASEAN Chairship para sa ating bansa,” Tourism Secretary Dita Angara-Mathay said in a statement.
Bilang bahagi ng inisyatibang ito, isang tren ng LRT-1 na binubuo ng apat na bagon ang binalutan ng mga disenyong nagtatampok sa kulturang Pilipino, na nagdadala ng mga imahe ng turismo sa pang-araw-araw na karanasan ng mga pasahero.
Ang mga libreng sakay sa tren ay katuwang ng pagpapatakbo ng 30 modernong jeepney na mag-aalok din ng libreng sakay mula Nobyembre 5 hanggang 14, 2026. Ang mga ito ay bibiyahe sa dalawang pangunahing ruta: mula SM Fairview hanggang Buendia, at mula Sucat hanggang Baclaran—isang proyektong bunga ng pakikipagtulungan sa pagitan ng DOT at DOTr.
Ang mga jeepney na may temang ASEAN ay bibiyahe araw-araw mula 4:00 n.u. hanggang 10:00 n.g. Tampok sa mga ito ang mga kilalang destinasyon, pagdiriwang, at mga karanasang panturismo sa Pilipinas, na ginagawang plataporma ang pampublikong transportasyon upang isulong ang turismo ng bansa. Inaasahang makikinabang dito ang humigit-kumulang 12,500 pasahero araw-araw, habang sinusuportahan din ang kabuhayan ng mga drayber at manggagawa sa sektor ng transportasyon sa buong panahon ng programa.
Samantala, tatlong digital video na may temang ASEAN—kabilang ang mga awiting inawit ng mga tourism ambassador ng bansa na BINI at SB19, bilang suporta sa pagkapangulo ng Pilipinas sa ASEAN—ang ipapalabas sa 60 screen na matatagpuan sa 10 istasyon ng LRT-1.9.

