Calendar
Tulfo: Doblehin separation pay ng matatanggal dahil sa AI
ISINUSULONG ni Senador Erwin Tulfo na doblehin ang separation pay at gawing anim na buwan ang abiso para sa mga manggagawang matatanggal sa trabaho dahil papalitan sila ng artificial intelligence (AI).
Inihain ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, ang Senate Bill No. 2563 noong Oktubre 15.
Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ng separation pay ang empleyadong matatanggal dahil sa AI. Hindi ito bababa sa dalawang buwang suweldo, o sa dalawang buwang suweldo kada taon ng serbisyo, alinman ang mas mataas.
Ituturing namang isang buong taon ang serbisyong umabot ng hindi bababa sa anim na buwan. Halimbawa, hindi bababa sa 20 buwang suweldo ang makukuha ng empleyadong 10 taon nang nagtatrabaho sa kompanya.
Sa kasalukuyang Labor Code, hindi bababa sa isang buwang suweldo kada taon ng serbisyo ang natatanggap ng mga natanggal dahil sa redundancy o sa pagpasok ng mga makinang pumapalit sa tao. Isang buwan lang din ang kailangang abiso sa empleyado at sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Hindi rin maaapektuhan ng panukala ang mas mataas na benepisyong nakasaad sa ibang batas, patakaran ng kompanya o collective bargaining agreement (CBA).
Kailangan ding abisuhan ng employer ang DOLE at ang mga kinatawan ng empleyado nang hindi bababa sa anim na buwan bago ang balak na tanggalan dahil sa AI. Kailangan din niyang kausapin ang mga manggagawa para humanap ng paraan na maiwasan o mabawasan ang tanggalan.
Limang kondisyon ang itinakda ng panukala bago maituring na legal ang pagtanggal dahil sa AI. Dapat tunay ang pagpasok ng AI sa kompanya at ginawa ito nang may “good faith” o walang masamang intensiyon. Dapat ding may makatwirang layunin, tulad ng pagtitipid o pagpapahusay ng operasyon, at wala nang ibang opsiyon ang employer. Patas at makatwiran din dapat ang pamantayan sa pagpili ng tatanggalin.
Kapag naglagay ng AI na maaaring magresulta sa tanggalan, kailangang magbigay o tumulong ang employer sa reskilling o muling pagsasanay ng mga empleyado para sa bagong posisyon. Maaari rin itong mag-alok ng ibang trabaho sa loob ng kompanya kung posible, o bumuo ng transition program katuwang ang DOLE.
Sa explanatory note ng panukala, ipinaliwanag ni Tulfo na hindi lang trabaho ang nanganganib mawala sa mga empleyadong magiging redundant ang posisyon dahil sa AI. Kasama rin ang ipinambubuhay nila sa kanilang pamilya.
“There must be a proactive effort to keep workers away from termination just because AI comes in,” ani Tulfo.
Nakabinbin pa sa Senado ang panukala. Kapag naisabatas, may 30 araw ang DOLE mula sa pagiging epektibo nito para ilabas ang implementing rules and regulations (IRR).

