RFID Source: FB post

DOTr ipinagpaliban multa sa no RFID o no load sa Oct. 1

Jun I Legaspi Aug 29, 2024
107 Views

IPINAGPALIBAN ni Secretary Jaime Bautista ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapataw ng multa sa mga motoristang dadaan sa expressways na wala o kulang sa load at walang radio frequency identification (RFID) hanggang Oktubre 1, 2024 imbes na sa Agosto 31.

Orihinal na itinakdang ipatupad ang mga bagong guidelines sa mga dadaan sa expressways sa Agosto 31, 2024 matapos mailathala sa isang pangunahing pahayagan.

“We hope the concerned agencies and tollway operators would use the 30-day deferment to finetune expressway operations and further intensify the public information campaign to enable tollway users to comply with the new guidelines,” ani Bautista.

Bukod sa pag-a-update ng mga tungkulin ng Land Transportation Office, Toll Regulatory Board, DOTr, mga tollway concessionaire at mga gumagamit ng expressway, itinatakda rin ng Joint Memorandum Circular 2024-01 ang mga parusa para sa kawalan ng naka-install na electronic toll collection (ETC) device o kakulangan ng load balance sa RFID, pati na rin ang pagpapalakas ng deputization ng LTO sa mga enforcer ng tollway mula sa dalawang grupo ng mga operator ng tollway, at iba pa.

“These revised guidelines should significantly improve traffic along expressways through cashless or contactless toll plazas,” dagdag niya.

Noong 2021, isinulong ng TRB ang pagkakaroon ng mga cashless na expressway sa pamamagitan ng pagtatalaga ng iisang exit lane para sa mga cash transaction sa toll plazas habang ang lahat ng iba pang lane para sa ETC, alinsunod sa isang Department Order ng DOTr.

Nanawagan ang kalihim sa mga motorista na sumunod sa mga probisyon ng JMC na sumasaklaw sa mga expressway na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng TRB.