Masbate Source: Department of Transportation FB

DOTr mamadaliin repair ng Masbate airport

410 Views

GUSTO ng Department of Transportation (DOTr) bilisan ang repair ng Masbate airport na nagtamo ng damage na umaabot sa P10 milyon hanggang P15 milyon dahil sa pagbira ng bagyong Opong alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking ligtas ang mga pasahero sa mga paliparan at pantalan matapos ang pananalasa ng bagyo.

Pinangunahan ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang inspeksyon sa Masbate airport noong Sabado at inatasan niya ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na maghanda ng pansamantalang terminal para sa mga pasahero habang nire-repair ang terminal building.

“Inutusan ko na ang CAAP na maghanap ng lugar dito sa labas kung saan pwedeng maglagay ng makeshift terminal. Pero ang problema sa ating sitwasyon ngayon ay ‘yung pagbibilhan natin ng construction materials ay apektado rin ng bagyo,” ani Lopez.

Inatasan din niya ang CAAP na magsagawa ng emergency procurement upang makakuha agad ng mga materyales para sa pagkukumpuni, pati na rin ng mga standby supplies para sa hinaharap.

Ayon sa mga tauhan ng terminal, si Opong ang pinakamalakas na bagyong naranasan nila sa mga nakaraang taon dahilan ng pagkansela ng mga biyahe at operasyon ng paliparan.

Target ng CAAP na maibalik ang operasyon ng Masbate airport sa Lunes. Nangako rin ang pamunuan ng paliparan na lilinisin ang mga debris at iba pang panganib sa terminal upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

“Sa mga susunod na hakbang, dapat typhoon-resilient ang disenyo at arkitektura ng ating mga paliparan at pantalan. Maraming bagyo ang tumatama sa atin taon-taon, kaya dapat handa ang mga istruktura,” dagdag ni Lopez.

Ininspeksyon din ni Lopez ang Masbate port na nagtamo ng bahagyang pinsala mula sa bagyong Opong.

Inatasan niya ang mga opisyal ng pantalan na bumili ng karagdagang air-to-water converters upang matiyak ang sapat na suplay ng inuming tubig sa panahon ng sakuna.

“Bilin din sa atin ng Pangulo na dapat laging may pagkain at tubig ang mga pasaherong apektado ng bagyo sa mga paliparan at pantalan.

Kaya mahalagang meron kayong air-to-water converters, para sa mga pasahero at eventually, para rin sa mga kalapit na komunidad dito sa pantalan,” ani Lopez.